HOA NG ISANG SUBDIVISION, PINAG-IINITAN NGA BA ANG ISANG PAMILYA?

RAPIDO NI PATRICK TULFO

LUMAPIT sa Rapido Ni Patrick Tulfo ang magkapatid na sina Alan at Alvin Catindoy na pawang mga residente ng Ayala Homes Subdivision sa Mandaluyong City.

Ayon sa magkapatid, tila pinag-iinitan sila ng Ayala Homes Mandaluyong Homeowners Association.

Isa sa mga ginawa umano ng HOA ay ang pagputol ng kanilang puno ng saging na sinasabing utos daw ng environment section ng Mandaluyong City. OK naman sana sa pamilya Catindoy ang pagputol ng kanilang puno ng saging kung maging ang ibang mga puno at halaman ng ibang residente na sumakop sa mga bangketa ay inalis din.

Isa sa nakikitang dahilan ng mga Cantindoy sa ginagawa sa kanila ng HOA ay ang umano’y sinasabi ng mga ito na ang pamilya Catindoy ay pawang “informal settlers”.

Nauna na silang kinasuhan ng HOA sa Korte Suprema upang mapaalis sa kanilang tinitirhan ngunit nanalo ang mga Catindoy kaya’t hindi sila napaalis.

Ayon kay Catindoy, hindi pa nabibili ng Ayala ang mga lupain sa Ayala Homes ay nandoon na sila kahit noong panahon pa ng kanilang lola at lolo. Ito malamang ang dahilan kung bakit sila nanalo sa korte.

Nang makausap ng Rapido ang presidente ng HOA na si Alan Lantin, itinanggi niyang pinag-iinitan niya ang pamilya Catindoy.

Sinabi pa ni Lantin na hindi naman daw puno ang “puno ng saging” kaya nila pinutol. E ano po pala ang puno ng saging, Mr. Lantin? Halaman ng saging?

Sa kabila ng pagtanggi ni Lantin sa Rapido, nakuha pa ni Lantin na ireklamo sa City Hall ng Mandaluyong si Alan Catindoy na isang miyembro ng Traffic Bureau sa Mandaluyong. Sari-sari umanong reklamo ang ibinato ni Lantin kay Catindoy, sa kagustuhan daw siguro nito na matanggal sa trabaho si Catindoy.

Kawawa naman ang pobreng pamilya Catindoy, dahil ba hindi sila mayaman kaya’t gusto silang paalisin sa subdivision na matagal nang pag-aari ng kanilang pamilya? Umaasa ang Rapido na matatapos na ang panggigipit ng HOA sa pamilya sa ikatatahimik nilang lahat.

225

Related posts

Leave a Comment