DROGA, ARMAS MALUWAG NA NAKAPAPASOK SA NBP – BANTAG

COACH OLI News PH

MARAMING pasabog na pinakawalan si dating Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag nang eksklusibo namin itong makapanayam sa aming “Banateros Brothers” Youtube at Facebook live.

Unang pinakawalan ni Bantag ang banat kay BuCor Director General Usec. Gregorio Catapang Jr. hinggil sa maluwag umanong pagpasok ngayon ng ilegal na droga at mahahabang baril sa New Bilibid Prison.

Nangyayari aniya ito dahil mistulang kinukunsinti ni Catapang.

Naiinis ding sinabi ni Bantag na parang bata si Catapang sa mga naging sagot nito sa isinagawang pagdinig ng Senado at Kamara hinggil isyu ng mga iregularidad sa kulungan.

Sa pagpapatuloy ng aming panayam ay nanggagalaiti ring sinabi ni Bantag na kapag may nangyayaring anomalya sa piitan ay sa kanya isinisisi ni Catapang at binibigyang diin na minana nila iyon sa dating namumuno sa BuCor.

Aniya, mahigit isang taon nang nakaupo si Capatang sa BuCor ay sa kanya pa rin isinisi ang mga kapalpakan na nangyayari sa piitan. Kaya mistulang scape goat aniya siya ni Catapang.

Binanggit ni Bantag ang hinggil sa pagdinig sa Senado kaugnay sa umano’y nakapasok na M-16 sa loob ng kulungan sa panahon ni Catapang. Ngunit ang isinagot umano dito ni Catapang ay ang hinggil sa naubos na P1 bilyon sa proyekto sa loob ng NBP ng nakaraang liderato.

Itinanggi ito ni Bantag at sinabing hindi naubos ang P1 bilyon kundi hindi na lamang itinuloy ang proyekto dahil lugi.

Binatikos din ni Bantag ang aniya’y malayang pagpasok ng ilegal na droga sa piitan sa panahon ng pamumuno ni Catapang. Halimbawa aniya rito ay ang ipinasok na hopia na ang laman pala ay shabu.

Binigyang diin din ni Bantag na ang ipinagawa nilang bagong kulungan ay ibinida aniya ni Catapang na sila umano ang nagpagawa.

Ani Bantag, kapag may kapalpakan ay itinuturo sa kanya, ngunit kapag may magandang accomplishment ay inaako ni Catapang.

Wala aniyang alam sa pagpapatakbo ng kulungan si Catapang kaya mistulang ipinasa niya ang pamumuno kay Angelina Bautista.

Si Bautista ang may-ari aniya ng hardware kung saan bumibili ng mga materyales sa pagtatayo ng mga kubol sa maximum security compound.

Pinaalis niya ito noong kanyang termino ngunit nakabalik ngayon kay Catapang kaya nagkaroon muli ng mga kubol sa loob ng piitan.

108

Related posts

Leave a Comment