BISTADOR ni RUDY SIM
MATAPOS nating isiwalat, ilang buwan na ang nakararaan, ang kaugnay sa modus ng ilang mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) na tinaguriang miyembro ng grupong ‘K-POPpangit’ sa isang tanggapan dito, na ang modus ay silipin ang mga dokumento ng mga dayuhang pinalad na mabigyan ng accredited travel agents patungkol sa pagholdap sa kanila, na kung hindi aareglo ay kanilang irerekomenda na ipakansela ang visa ng mga dayuhan na umano’y nakalusot na pawang huwad o peke ang isinumiteng mga papeles o requirements ng mga dayuhan.
Isa sa ginagawang mga gatasan dito ng nasabing tiwaling mga tauhan ng BI, ay silipin ang mga Alien Employment Permit ng bawat dayuhang nabigyan na ng ilang taong visa at kung ito ay peke ay kanilang tatawagan umano ang sinomang travel agent na humawak nito at tatakutin na kung hindi sila ‘aayusin’ ay kanilang irerekomenda na ipakansela ang visa at ipalalagay sa blacklist order.
Ayon sa travel agencies na nabiktima na ng grupong ‘K-POPpangit’, tila lalong nakasisira sa imahe ng ahensya ang ganitong panggigipit umano ng isang tanggapan dito ng BI, kung saan bukod sa panlabas na anyo ng mga ito na parang kontrabida sa pelikula, ay walang seryosong bida upang sipain ang ganitong mga bulok na sistema sa ating pamahalaan.
Ang mga natapos nang mabigyan ng visa ay dumaan sa maraming prosesong ito, dumaan muna sa hearing officers sa legal division ng ahensya na masusing pinag-aralan at inaprubahan din ng Commissioner, kaya bakit kailangan itong silipin ng VCD?
Isang impormasyon ang ating natanggap kahapon lamang, na libo-libo diumano ang inirekomendang ipakansela na visa at ibinaba sa tanggapan ng Commissioner, na pawang mga peke umano ang dokumento ng karamihan sa Chinese nationals, na natapos nang mabigyan ng visa. Ano kaya ang kadahilanan at ito ay kanilang ikakansela? Isa ba itong paglilinis ng ahensya o harap-harapang panghoholdap sa travel agencies?
Kung peke man ang mga dokumento ng mga ito, bakit hindi ninyo kasuhan ang mga abogado at ang Commissioner na pumirma dito? Tila sa panahon ngayon ay nakalulungkot isipin na marami pa ring bulok sa ating gobyerno na nagsasamantala gamit ang kanilang kapangyarihan.
Bakit kaya hindi ito nakikita ni Secretary Boying Remulla? Ang DOJ, isa sa attached agencies nito ang BI. Sir, ‘wag masyado tumutok sa kaso ni Teves, tingnan mo rin ang iyong bakuran na umaapaw na at umaalingasaw ang amoy ng basura.
Abangan sa susunod at ating ibibisto ang mga nasa likod ng pamemera sa mga blacklisted na Chinese POGO workers sa BI!
147