Banking industry babagsak MARCOS SABLAY, MAHARLIKA URONG-SULONG, Banking industry pababagsakin ng MIF MARCOS NATAKOT, NAG-URONG-SULONG

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KANTYAW ang inabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos suspendihin ang implementing rules and regulations o IRR ng Maharlika Investment Fund Act of 2023.

Sa X, nagpost ang UP professor na si JC Punongbayan na tila sinisisi si Marcos dahil sa hindi pakikinig sa babala ng mga ekonomista kaugnay sa posibleng epekto ng Maharlika Fund.

“Economists have been saying all along, it’s beyond repair. Pero itinulak pa rin. Walang kadala-dala,” post niya.

Nito lamang nakaraang Oct. 11, inanunsyo ng Palasyo na exempted ang Land Bank of the Philippines sa pagre-remit ng ilang porsiyento o bahagi ng kinita nito noong 2022 sa national government.

Ito’y matapos tapyasin at gawing 0% ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang dividend rate ng Land Bank.

Kapwa nakiusap sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang Landbank at Development Bank of the Phils. na i-relax o pagaanin ang regulatory rules sa kanila.

Umaabot sa P75 bilyon ang ininvest ng nasabing government financial institutions sa Maharlika fund.

Dahil dito, nag-alala ang publiko na tuluyang lumpuhin ng binuong Maharlika Investment Fund (MIF) ang dalawang government financial institutions sa bansa.

Kahapon, inilabas ng Malakanyang ang memorandum circular mula sa office of the Executive Secretary para sa pagsuspinde sa IRR ng Maharlika Fund base sa kautusan ni Marcos Jr.

Ang atas ni Marcos ay para patuloy na pag-aaralan ang MIF.

Nais din ng chief executive na malinaw na mailatag muna ang mga safeguard para maging bukas ito o transparent at magkaroon ng pananagutan.

Hindi naman kuntento ang oposisyon sa Kamara na suspindehin lang ang implementasyon ng (MIF).

Sa halip, dapat umano itong tuluyan nang ibasura at abandonahin dahil palpak at inilalagay sa panganib ang mga financial institution tulad ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP).

Ginawa ni House deputy minority leader France Castro ang pahayag matapos kumpirmahin ni DBP president and CEO Michael de Jesus na sinuspinde ang pagpapatupad MIF.

“It would be better if Pres. Marcos Jr. just scrapped the whole Maharlika law rather than just suspend it,” ani Castro dahil ayon aniya kay Bayan Muna executive vice president Carlos Zarate ay inilagay ni Marcos sa panganib ang Landbank at DBP matapos obligahin ang mga ito na magbigay ng kontribusyon sa MIF.

“Ito talaga ang hirap sa minadaling batas ng Maharlika fund kaya hindi gaanong naaral at mukhang lalo lang maglulugmok sa kahirapan dahil pera ng bayan ang nakataya at maging ang pinaghirapang ipon ng mga kliyente ng Landbank at DBP,” ayon kay Castro.

Sa simula pa lamang aniya ay sablay na ang MIF dahil walang sobrang pondo ang gobyerno kaya pera ng bayan ang gagamitin imbes na ilaan ito sa batayang serbisyo sa mamamayang Pilipino.

Bukod dito, wala umanong tiwala ang taumbayan na hindi makikialam si Marcos sa MIF dahil siya ang mag-a-appoint ng mga mamamahala sa Maharlika Investment Council kaya bukas pa rin aniya ito sa korapsyon.

Samantala, sa pambihirang pagkakataon, kinatigan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang kautusan ni Pangulong Marcos Jr. sa MIF.

Tinawag ni Pimentel na very good development ang suspension ng batas lalo’t marami pa itong depekto.

Ipinaliwanag ng senador na hindi pa napag-aralan nang husto ang konsepto ng batas mula sa simula kaya’t lumitaw ang mga butas nito.

Pabor din si Senador Sherwin Gatchalian na suspendihin muna ang IRR ng Maharlika Investment Fund Act habang patuloy pa itong pinag-aaralan.

Ito’y para matiyak ang stability ng banking industry.

Ayon kay Gatchalian, hindi magandang senyales ang hiling ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na i-exempt sila sa regulatory requirements dahil posibleng maapektuhan ang stability ng buong banking industry.

Ipinaalala ng senador na ang dalawang bangkong ito ang nangangalaga sa pasweldo ng mga empleyado ng gobyerno at maging ng mga deposito ng mga lokal na pamahalaan.

Naniniwala naman si Gatchalian na kung mapatunayang may problema talaga sa sistema ang investment ay maaaring bawiin ng Land Bank at DBP anomang oras ang inilagak nilang seed capital para sa MIF.

Kasabay nito, tiwala si Gatchalian na ang pagsuspinde ng Pangulo sa IRR ng batas ay para lamang matiyak na maisasaayos nang husto ang sistema bago ang implementasyon ng batas.

Pabor din ang senador na magkaroon na ng test of economic viability upang masuri ang magiging epekto ng itatayong korporasyon.

Nagpahayag naman ng pagrespeto si Senate Majority Leader Joel Villanueva at sinabing kaisa siya ng Pangulo sa pagtiyak na makakamit ang tunay na layunin ng batas sa pamamagitan ng pagrerebisa sa IRR at upang ito ay maisaayos.

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

413

Related posts

Leave a Comment