HULI MAN DAW AT MAGALING, HULI PA RIN

0

HINDI sapat ang katagang katampalasan para ilarawan ang kawalang aksyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyong laan sa humigit kumulang 12.5 milyong senior citizens sa bansang kanilang kinalinga sa loob ng mahabang panahon.

Kung tutuusin, barya lang ang nakukuha nina Lolo at Lola. Ang masaklap, barya na nga lang ay ipinagkakait pa – sukdulang ikamatay na ng marami sa kanila ang benepisyong sadya namang para sa kanila batay sa Republic Act 9994 o higit na kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Sa ilalim ng nasabing batas, may mga ­mekanismong akma sa pagkilala, suporta at kalingang dapat nilang matanggap sa gobyerno – at kabilang dito ang buwanang pensyon.

Bukod sa pensyon, mayroon din P100,000 ­insentibo para sa mga lolo’t lolang aabot sa edad na 100 batay naman sa Centenarians Act of 2016.

Magkano nga ba ang buwanang pension?

Ayon sa huling tala, P500 kada buwan. ­Susmaryosep… ni hindi sapat para sa kanilang gamot lalo pa’t ang edad nila’y itinuturing na “vulnerable” (madaling dapuan ng sakit) ng mga eksperto sa kalusugan.

Ang siste, pati insentibong P100,000 ay pinipiit pang tila hinihintay ang pagpanaw ng ­benepisyaryong sentenaryo.

Isang paalala sa mga opisyal ng DWSD – hindi sa inyo ang salaping laan sa benepisyo ng mga nakakatanda kaya naman walang dahilan para itengga sa kagawaran. Hindi sila makulit tulad ng inyong akala. Lalong hindi sila nanlilimos dahil ang kanilang iginigiit ay sadyang kanila.

Kung pagbabatayan ang katampalasang ipinamalas ng mga walang pusong pumipiit ng benepisyo ng mga matatanda, sumasalamin ito sa trato nila sa kanilang mga magulang mismo. At wari namin ay siya rin nilang aanihin sa takdang panahon.

At sa hindi inaasahang pagkakataon, nakuha pang sumagot ng ahensya. Anila, kahit wala na sila Lolo at Lola, matatanggap pa rin naman daw ng mga kaanak nila ang pera. Ayon kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, kaagad namang makukuha ng kaanak ang cash gift para sa mga pumanaw sa lolo’t lolang pasok sa edad 100 pataas – ‘yan ay kung maisusumite ang lahat ng requirements base sa talaan nila.

Nakagagalit! Kailangan pa bang mamatay ang mga matatanda bago nila bitawan ang perang sadya namang kanila?

Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?

Tatanda rin kayo!

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment