HULING BARAHA NG LABAN SA JEEPNEY MODERNIZATION

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

NATAPOS na ang deadline ng LTFRB upang ma-consolidate ang lahat ng mga jeepney bilang unang hakbang sa modernisasyon ng nasabing pampublikong transportasyon. Ang siste kasi dito sa tinatawag na consolidation ay upang sumali ang mga indibidwal na mga operator ng jeepney sa mga kooperatiba o korporasyon. Ayon sa ating pamahalaan, malaking tulong kasi ito sa planong modernisasyon. Mas madaling umutang sa bangko para makabili ng makabagong sasakyan. Nagreresulta ito sa pag-aalis ng maitim na usok mula sa tambutso ng mga lumang jeepney. Maaari rin bumili ng electric na makina sa jeepney upang hindi na kailangan magkarga ng krudo na makababawas nang malaki sa polusyon sa ating kapaligiran.

Bukod dito, napapanahon naman talaga na alisin na ang karag-karag na mga pampublikong transportasyon sa ating mga lansangan. Mapanganib ito sa ating commuters. Mataas kasi ang tsansa ng mawalan ng preno, maputukan ng gulong o kaya ay bumigay ang mga pang-ilalim nito kapag hindi naman husto ang pagkumpuni ng mga ito. Sa totoo lang, halos lahat ng mga jeepneys natin na bumabaybay ngayon sa ating mga lansangan ay hindi bababa ng 15 years. Tama?

Ang halos lahat ng mga jeepney natin ngayon ay parang si Frankenstein. Binubuo lamang sa maliliit na mga talyer. Kukuha ng surplus na makina, surplus na dashboard, surplus na suspension, surplus na ilaw. Walang bago sa mga nabubuong jeepney natin! Totoo ba ang sinasabi ko o hindi?!

Ngunit ganoon pa man, ang ating pamahalaan ay maluwag at mapag-unawa sa plano nilang jeepney modernization program. Aba’y kung hindi alam ng nakararami, panahon pa ni Pangulong PNoy ang nasabing modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan. Halos 24 years na ang nakalipas at hindi pa rin ito naumpisahan.

Puwes, palagay ko ito na ang huling baraha ng mga laban sa nasabing programa. Ayon sa LTFRB, ang mga hindi nagpalista sa pag-consolidate ng kanilang mga jeepney ay malayang pumasada hanggang sa kalagitnaan ng buwan na ito. Subalit kapag lumagpas na ang nasabing takda na panahon, maaaring ma-impound na ang kanilang mga sasakyan dahil para sa LTFRB, kolorum na sila. Wala na silang prangkisa.

“My directive to the LTFRB right now is that initially, during the first 15 days, we only warn and remind people. We will not impound them immediately starting May 1. But in the event that despite our prodding, should they continue with their trips, I think it is already the right of the state to implement the law and have their vehicles impounded,” Ito ang mariin na banta ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz.

Subalit ang grupong PISTON ay tutol sa direktiba ng LTFRB at hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin sila sa kanilang tigil pasada. Kung epektibo ito bilang protesta sa jeepney modernization? Sa palagay ko ay hindi. Hindi kasi nagkaka-isa ngayon ang transport groups. May ilan sa kanila ay naniniwala na panahon na upang pagandahin ang antas ng pampublikong transportasyon ng ating bansa.

Kung totoo ang naririnig natin na daing ng karamihan ng jeepney drivers at kanilang mga operator na halos wala silang kinikita sa kanilang pag-papasada. Malinaw na palugi ang pinasukan nilang negosyo o hanapbuhay. Hindi ito ang dapat na hanapbuhay nila.

Tulad din ng mga nag-uumpisa sa panibagong negosyo, kailangan na mamuhunan ka muna. Ang ginagawang consolidation ng LTFRB ay upang makatulong na makautang ang operators sa mga bago at modernong sasakyan. Kung maayos ang gamit, tiyak sa tatlong taon ay halos maliit ang gastusin sa maintenance.

Tandaan, kahit ano pang laban o tutol sa modernisasyon, mananaig pa rin ang makabagong teknolohiya. Hindi dapat labanan ito. Tanggapin dapat.

43

Related posts

Leave a Comment