HUWAG IPAGMALAKI ANG WALA PA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAPAPAILING ka na lang kapag ipinamalita ng gobyerno na nakaipon na raw sila ng P4 trilyong investment na nakuha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang foreign trips mula nang naging Pangulo ito ng bansa.

Malinaw na propaganda lang ito para bigyang katwiran ang kanyang mga biyahe na ginagastusan natin ng bilyong-bilyong piso, dahil ipinagmamalaki sa atin ang isang bagay na wala pa.

Magandang pakinggan na may naipon siyang P4 trilyong halaga ng proyekto at negosyo na ipapasok ng mga negosyante mula sa mga bansang pinuntahan niya sa nakaraang mahigit isang taong panunungkulan.

Pero ang katotohanan, wala pang nasisimulang mga proyekto mula sa P4 trilyong ito dahil hindi pa nakikita ang Pangulo na nanguna sa ground breaking ng proyekto sa pamamagitan ng ribbon cutting.

Ibig sabihin, nananatiling pangako pa lamang ang halagang ito at wala pang nasisimulan pero ipinamumukha na sa atin ang halagang ito, na higit isang trilyon na lamang ang kulang ay katumbas na ng pambansang budget ng gobyerno ngayong 2024.

Para bang binigyan lang tayo ng pag-asa pero ‘yung pag-asa na ‘yun ay hindi natin alam kung magkakaroon ng katuparan o hindi dahil hindi naman pwedeng pilitin ang mga dayuhang negosyante na ilagak ang puhunang ipinangako nila sa Pangulo.

Parang mga pulitiko lang ‘yan na mangangako kapag panahon ng eleksyon pero kapag naluklok na ay hindi na nila tinutupad ang pangako nila as in nagkakalimutan dahil nasa poder na sila kaya ang laging sinasabi ng mga tao, “Pinangakuan ka na nga, gusto mo pang tuparin nila?”

Kahit noong panahon ni Digong, ang daming ipinangako ng China dahil sa kanila kumampi ang dating Pangulo at tumalikod sa United States (US) na mortal na karibal ng bansang ito ng mga singkit, pero ilan lang ba ang tinupad nila?

Hindi ba sinabi ng Pilipinas na hindi na nila ipupursige ang mga proyektong popondohan sana ng China lalo na ‘yung tren sa Mindanao na isa sa mga ambisyon ni Digong, pero hindi pa nasisimulan dahil ayaw maglabas ng pera ang China?

Hangga’t hindi pa tinutupad ng foreign investors ang kanilang pangakong investment sa Pinas, huwag munang ipagmalaki ng gobyerno sa atin dahil baka mapahiya sila kapag hindi ‘yun tinupad tulad ng ginawa ng China kay Digong.

Magugulang ang investors at hindi sila maglalagak ng puhunan kung hindi masusunod ang kanilang gusto tulad ng batas na poprotekta sa kanilang investment at mga benepisyo tulad ng mas malaking tax cut.

Saka malala pa rin ang katiwalian sa gobyerno na isa sa pangunahing mga dahilan bakit iniiwasan ng investors ang Pilipinas at kapag may nasangkot sa katiwalian, hindi naman naparurusahan lalo na kung kakampi ng administrasyon.

38

Related posts

Leave a Comment