IKAW ANG NAGTANIM, IBA ANG UMANI (Buhay at pulitika)

KAALAMAN Ni MIKE ROSARIO

SA buhay ng tao, maraming mga pangyayari na minsan ‘di mo akalain na sa ‘yo mangyayari, minsan sa kaibigan mo na pinagkatiwalaan mo, malalaman mong nagamit ka na pala.

Sa mga transaction o kahit sa mga pagnenegosyo, nangyayari lahat ng ito, sadyang napakahirap sa lahat ‘yung binubuhos mo lahat at handang ibigay ang iyong sarili.

Pero sa huli, makikita mo na ikaw na nagpakahirap, napagkakaisahan ka pa, ikaw pa ‘yung kawawa at ang mga nagtatamasa ay mga taong dating nanlalait sa iyong ginagawa, pang-araw-araw man na pamumuhay, business deal at pati sa pulitika…

Sabi nga nila, walang permanenteng kaibigan sa pulitika, ayaw ko maniwala rito kasi kung ito ang paniniwalaan ko, ibig sabihin lamang nito na manggagamit talaga ang mga taong involved dito.

At ayaw kong ganu’n tingnan ang mga taong iniidolo at sinasampalatayaan, lalo na ang mga inaasahan ng mga taong bumoto dito.

Gusto ko lang sabihin, minsan may kaibigan ka na ­maraming kaaway, ipinagtanggol mo pero ‘yung kaaway niya nang humingi ng paumanhin, naging magkalapit sila, ikaw na ngayon ang pinag-uusapan, sila na ang nagkakaintindihan at sila na ang magkakampi, lalabas na ikaw na ngayon ang kontrabida sa lahat.

Minsan, may mga kasama kang gusto magnegosyo, ‘di sila makapagsimula sapagkat puro sila plano at ‘di alam mag-implement, puno ba ‘yung utak, pero halo-halo ang laman kaya paralisado ang plano.

Kritikal dito ang pagsisimula pero nang masimulan mo na, lahat ng mga kasama mo ay susulsulan ng kanilang mga kakilala at mas marami pa silang alam. Tanong, bakit ‘di ka nila tinulungan sa panahon na kailangan mo sila at magsisimula ka? Kasi nakikita nila ‘yung kulang pero ‘di nila nakikita kung paano nagkaroon ng kulang o paano mo sinimulan kasi sila mismo ‘di nila alam kung paanong magsimula.

Nakalulungkot na pati sa pulitika nangyayari ito, mga taong sinusuportahan mo, ikaw ang sumasalo sa mga problema, sa mga kritiko na, pati pamilya mo, dinadamay na.

Pati personal mo ay napapabayaan mo na, pagmamahal, malasakit, at buong puso mong ibibigay sa kandidato mo ang sarili mo.

Akala mo kasi kilala mo na sila, ikaw ang nagpakahirap, ikaw nagpaapi, ang hindi mo alam, sa isang salita ng mga taong pansariling interest ang hanap, kumbaga sa isandaang porsyento, 99 percent ang nagawa mong kabutihan.

Isang porsyento lang na tsismis o sabihin na natin na mali, nakalimutan na ang buong pagkatao mo, nakalimutan na nila paano kayo nagsimula.

Nakalimutan na nila ang kanilang pangako, dahil lamang sa mga taong ganid, mga taong hindi nagtanim ngunit gustong umani, mga taong nanood lamang, mga playing safe at tinitingnan kung kailan makapanlalamang.

Ang masakit, mas mabilis manira kaysa magpakabuti, ganoon ngayon ang nangyayari sa bansang ito, mapa-national man o local.

Ikaw na ngtanim, ikaw na halos tapak-tapakan pagkatao mo, maipagtanggol mo lang ang minamahal mong kaibigan, ang iniidolo mong kandidato sa paniniwala mo sa kanilang prinsipyo.

Masakit, ikaw na rin ngayon ang itinuturing na kontrabida, ikaw na pinagtatawanan, nakalimutan na ang mga sakit at pangungutya na iyong kinaharap maipagtangol mo lamang ang taong dahilan kung bakit ka ngayon nasasaktan.

Ganoon talaga minsan ang buhay, kaya mamili tayo ng mga taong dapat samahan at pagkatiwalaan, umiwas sa mga taong gagamitin ka lamang.

Minsan ‘pag nasa kanila na ang tagumpay, ipo-provoke ka nilang magalit, pag ‘di ka nag-react o gumawa ng aksyon, hawak ka sa leeg.

‘Pag naman nag-react ka, itatapon ka at lahat sa iyo mali, lahat na kasalanan mo, at sila na ang biktima.

Masasabi ko lang, ‘you cannot put a good man down’, panatilihin ang mabuting puso kahit na ginagawan ka ng masama, gumawa ka pa rin ng mabuti hindi para sa mga tao, hindi para sa mga kritiko kundi para sa sarili mo, at para sa mga taong nagtitiwala at nagmamahal sayo.

oOo

Para sa suggestions at opinion, pls, contact cell# 0939-168-3316.

68

Related posts

Leave a Comment