ILANG OPISYAL NG POLO KUWAIT, NAGLALASINGAN SA MISMONG OPISINA?

BANTAY OFW

Samu’t saring dagdag impormasyon at reaksyon ang aking natanggap mula nang aking ilathala sa a­king Facebook account na aking tatalupan ang nagaganap na anomalya sa ating Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait.

Isa na rito ay ang sumbong ng isa sa mga “volunteer ward” na hanggang sa kasalukuyan ay nasa loob pa rin ng OWWA Shelter kung kaya hindi natin papangalanan ayon na rin sa kanyang kahilingan.

Ayon sa ating “inside informer” ay nitong nakaraang buwan lamang ay nag-orga­nisa ng isang munting kasiyahan ang dalawang opisyal ng POLO kasama ang ilang pi­ling kasamahan. Si “opisyal 2” ay nanghingi pa diumano ng alak sa isang ahensya para sa munting salu-salo na ito.

Ayon kay “insider informer”, makalipas ng mahabang oras na kasiyahan at inuman diumano ay may isang babaeng opisyal ng POLO ang nasobrahan ng pagkalasing at naghubad ng kanyang damit.

Ayon sa mga impormasyon at komento sa a­ting FB post, ang babaeng opisyal na ito ay tila nagiging notoryus na sa POLO dahil sa pagkukunsinti ng kanilang binansagan na PLAYBOY na opisyal na siyang nagpasimuno ng inuman. At sabi nga sa kasabihan, “Kapag may alak, may balak.

Ang Bantay OFW ay nanawagan kay Undersecretary Claro A. Arellano ng Department of Labor and Employment upang masu­sing imbestigahan ang mga opisyales ng POLO sa Kuwait. Hinihiling din ng mga secretary ng mga Foreign Recruitment Agencies (FRA) na isama sa imbestigasyon ang diumano ay pagtanggap ng mga regalo ng mga opis­yales para lamang mapadali ang pagre-release ng kanilang Job Order Verification.

Nakarating din sa aking kaalaman na may isang Affidavit na ginawa ng isa ring nakauwi nang volunteer ward ay naglalahad ng mga pangalan ng mga taong nagbigay ng regalo at mga opis­yales na tumanggap ng regalo. Ang nasabing Affidavit ay nakara­ting na diumano sa Department of Foreign Affairs.

oOo

Ang Bantay OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang ang inyong mga sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

84

Related posts

Leave a Comment