TUNAY NA SUPERHERO SA GITNA NG KALAMIDAD

SA GANANG AKIN

Mainit na usapin ngayon ang tungkol sa mga superhero dahil sa pelikulang Avengers: Endgame. Napakaraming nag-abang at nagplanong manood ng pelikulang ito kahit na abot ng tatlong oras sa haba dahil ito na raw ang huling bahagi ng series ng pelikula tungkol sa Marvel Superheroes. Ngunit ang tunay na dapat na bida ay ang tunay na mga superhero sa ating bansa na piniling magsilbi sa bayan sa panahon ng kalamidad gaya ng nangyaring malakas na lindol kamakailan. Tinamaan ang Luzon ng magnitude 6.1 na lindol. Nagsipaggalawan ang mga nagtataasang mga building dito sa Kamaynilaan at may mga gumuhong gusali sa mga lugar na malapit sa epicenter ng lindol gaya ng Porac, Pampanga. Ang tunay na bayani ay yaong mga taong nagbigay ng tulong at nag-alay ng serbisyo upang unti-unting maibalik sa ayos ang mga bagay-bagay sa mga lugar na lubhang tinamaan ng lindol.

Isang malaking karangalan ang makita na mara­ming tao ang nagkusang loob na naghandog ng tulong sa panahong marami ang nangangailangan nito. Patapos na ang araw sa trabaho at palabas na sana ako sa aming building nang maram­daman ko ang malakas at matagal na lindol. Matapos ang pagyanig, dali-dali akong tumawag sa aking mga kapamilya upang mangumusta dahil nasa magkakaibang lugar kami noong nangyari ang lindol. Nang masiguro ko na ligtas sila, agad ko namang ginampanan ang aking responsibilidad bilang isang public information officer.

Buti na lamang at naging mabilis ang aksyon at res­ponde ng aming kompanya sa nangyaring kalamidad. Pagkalipas ng humigit kumulang 10 minuto matapos ang lindol ay idineklara na ng Meralco ang pagbalik ng kuryente sa mga lugar na sineserbisyohan nito. Nang makumpirma na ligtas na ang lugar na aming nasasakupan, agad na­ming itinuon ang aming pansin sa mga tao at lugar na nangangailangan ng tulong dahil sa nangyaring lindol.

Nakasisira ng kalooban na ang mapayapang Semana Santa ay nasundan ng isang trahedya. Napakaraming larawan ng pagkasira ng Clark Airport ang kumalat sa mga balita at sa social media. Ang pagkasira nito ay nagresulta rin sa kanselasyon ng mga byahe paalis at pabalik ng nasabing paliparan. Napakaraming mga video kung saan makikita ang pagtakbo at pagkataranta ng mga tao nang biglang lumindol. Makikita rin sa mga kalat na video na nagsisipaghulugan ang mga gamit at gumuguho ang mga bahagi ng gusali. May isang video pang kumalat kung saan makikita na natatapon ang tubig mula sa swimming pool na nakalagay sa itaas ng gusali. Wala sanang nabuhusan ng tubig at nalaglagan ng mga bahagi ng gusali na nagsipag­hulugan dahil sa lindol. Sa mga ganitong panahon talaga lumilitaw ang mga taong bukal sa puso ang pagtulong sa kapwa. Sa ganitong panahon lumilitaw ang mga bago at tunay na superhero.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), Zambales ang epicenter ng lindol. Sa panahon ngayon kung saan lahat ng impormasyon ay madaling makuha sa pamamagitan ng internet at social media, marami ang naghanap at nagpakalat ng mga larawan at video na nagpapakita ng matinding epekto ng lindol. Kagaya ng ibang mga netizen, lubos din akong nangamba at nabagabag ukol sa kaligtasan ng ating mga kababayan sa ibang probinsya. Makabagbag-damdaming malaman na ang Meralco ay agarang bumuo ng sarili nitong search and rescue operations team na ipapadala sa Porac, Pampanga kung saan may gumuhong supermarket.

Ang Meralco Networks Team, sa pamumuno ni Meralco Head of Networks SVP Ronnie Aperocho, ang nanguna sa pagsuporta sa inisyatiba ng kumpanya na magpadala ng grupong tutulong sa paghanap at pagligtas ng mga taong nabiktima ng lindol partikular yaong mga nasa gumuhong supermarket sa Porac. Nagpadala rin ang Meralco ng 21 na generator set, 42 na floodlight, at dalawang mobile crane. Ang grupo ng magigiting na empleyado ng Meralco ay pinamunuan naman ni Engineer Jun Abuel, ang VP for Safety ng kumpanya. Ang kanilang paraan sa pag-responde ay hinding hindi matatawaran.

Taas noo kong maipagmamalaki na kahit na naibalik na agad ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na kinasasakupan ng Meralco, patuloy ang pagbibigay ng tulong nito sa mga lubos na nangangailangan. Bunsod nito, maraming buhay ang nailigtas.

Ang kabuuan ng MVP Group, kung saan nakailalim ang Meralco, sa pamamagitan ng Tulong Kapatid, ay nagpadala rin ng kaukulang tulong para sa mga inisyatiba ukol sa pagliligtas ng mga napinsala ng lindol sa Pampanga. Isa pang kumpanyang kabilang sa MVP Group, ang Philex Mining, ay nagpadala rin ng rescue team upang makatulong sa paghanap ng mga nakaligtas sa nangyaring pagguho ng gusali. Nilipon naman agad ng chief ng media bureau ng MVP Group at SVP ng Philex Mining na si Atty. Mike Toledo, ang mga communications arm ng iba pang kumpanyang kabilang sa MVP Group upang maipaalam sa buong grupo ang mga inisyatiba ng bawat isa sa pagtulong sa mga napinsala ng nangyaring malakas na paglindol partikular na sa probinsya ng Pampanga.

Bilang karagdagang tulong, nagpadala ang PLDT Smart Foundation at Alagang Kapatid mula sa TV5 ng mga donasyong pagkain para sa mga rescuer at mga pamilya ng mga biktima. Ang Maynilad naman ay namigay ng mga tubig na maiinom. Ang NLEX naman ang namahala sa pagdadala ng mga naipong donasyon sa Pampanga. Upang makatulong sa pagsigurong may magagamit sa pagtawag ang mga pamilya ng mga biktima pati na rin ang mga rescuer, nagtayo ang PLDT at Smart ng libreng call station sa Porac at sa Clark Airport.

Napakasarap makita ang naging positibong epekto ng aking kumpanyang pinagtatrabahuhan sa buhay ng mga taong natulungan nito. Sa diwa ng Bayanihan, naipakita ng MVP Group of companies ang pangako nitong paglingkuran ang sambayanang Pilipino.

Karapat-dapat ding bigyan ng papuri ang Department of Energy (DOE) na kasama ng Meralco at ng ibang miyembro ng industriya ng kuryente upang makapagbigay ng agarang responde sa mga ganitong sitwasyon. Ang nangyaring rescue operations sa Porac, Pampanga ay isang napakagandang halimbawa ng positibong epekto ng pakikipagtulungan ng pribadong distribyutor ng kuryente kapag nakipagtulungan sa gobyerno. Ang ganitong mga pagkakasundo ang literal na makapagliligtas at makatutulong sa pagsagip ng buhay ng mga nangangailangan.

Habang kasalukuyang nangyayari ang rescue operation, ang isang malaking katanungan ay ano ang epekto nito sa supply ng kuryente sa mga susunod na araw. Paano makakaapekto sa Meralco, sa Luzon grid, at sa kalagayan ng supply sa kasalukuyan.

Dahil sa nangyaring paglindol, nagdeklara ng Yellow at Red Alert ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa kakulangan ng pumapasok na supply sa ating grid bunsod ng epekto ng lindol sa ilang mga planta ng kuryente.

Bilang tugon sa kapos na supply ng kuryente ay ipinatupad ng Meralco ang Interruptible Load Program (ILP). Ito ay ang kasunduan sa pagitan ng Meralco at ng malalaking industriyal na customer nito na pansamantalang gumamit ng sariling generator set upang maibsan ang kakulangan sa supply at hangga’t maaari ay maiwasan ang pagpapatupad ng rotational brownout.

Ngayong katatapos lamang ng Semana Santa, ako ay nananalangin na panatilihing ligtas ang ating bansa. Nawa’y dumami pa ang mga taong may malaking puso at nais tumulong sa mga napinsala at nabiktima ng lindol. Hindi natin alam kung kailan ito mauulit. Hindi natin alam kung baka sa susunod na pagkakataon, tayo naman ang mangailangan ng tulong. Kaya’t ako ay nananawagan sa aking mga mambabasa lalo na sa mga may kakayahang tumulong, sana ay makipag-ugnayan kayo sa ating pamahalaan o mga pribadong sektor sa lalong madaling panahon kung nais niyong magpadala ng tulong.

Huwag din nating kalimutan bigyan ng pagkilala ang ating mga kababayan na nagmistulang mga superhero dahil sa pag-aalay ng serbisyo maging ng sariling buhay upang makapagligtas ng mga nabiktima ng lindol. Kasama natin ang Panginoon at huwag nating kalimutan na walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. May dahilan kung bakit hindi tayo ang tinamaan ng matinding pinsala ng lindol. May dahilan kung bakit tayo ay nananatiling ligtas. Naniniwala ako na ito ay upang tayo ang sumagip sa mga nangangailangan. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

106

Related posts

Leave a Comment