IMAHE NG BANSA NAKATALI SA PALIPARAN

SA GANANG AKIN

KATATAPOS pa lamang ng unang dalawang buwan ng taon ngunit samu’t saring mga isyu na ang kinasangkutan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Isa nga sa pinakabagong isyung pinag-uusapan ang insidente ng pagnanakaw ng relong pagmamay-ari ng isang turista na kinasasangkutan ng isang airport security screening officer. Nangyari ang insidente matapos magdaan sa x-ray machine ang kagamitan ng turista para sa security screening sa NAIA Terminal 1.

Kinumpirma ng Office of the Transportation Security (OTS) ang pagkaka-aresto sa sangkot na airport security officer noong Miyerkoles. Bagama’t itinanggi nito ang krimen, huling-huli naman siya sa closed-circuit television (CCTV) footage ng paliparan. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Philippine National Police Aviation Security Group para sa karagdagang mga katanungan at imbestigasyon.

Nakahihiya ang insidenteng ito. Bilang empleyadong nagtatrabaho sa pangunahing paliparan ng bansa, kinakatawan din nila ang Pilipinas kaya’t anumang isyu o hindi magandang bagay ang mangyari ay tiyak na mayroong negatibong epekto sa reputasyon ng bansa.

Batay sa pahayag ng Manila International Airport Authority (MIAA), kinokondena nila ang ganitong mga insidenteng nangyayari sa NAIA. Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong, sinisira nito ang tiwala at integridad ng mga public servant sa bansa. Sang-ayon ako sa kanyang pahayag dahil hindi lang naman ito sa pangasiwaan ng NAIA mayroong negatibong epekto kundi pati na rin sa buong bansa.

Kamakailan lamang ay pumutok din ang balita tungkol sa airport security officers na aniya’y nagtangkang kikilan ng 20,000 Yen o P8,000 ang isang turistang Thai. Kumalat ang bidyo ng insidente kung saan makikita ang diumano’y aktong pangingikil ng mga empleyado sa turista. Suspendido ang limang empleyadong sangkot sa insidente at mahaharap sa criminal at administrative charges dahil sa kanilang ginawang katiwalian.

Kung atin ding babalikan, hindi naging maganda ang umpisa ng taon para sa mga taong may biyaheng nakatakda noong unang araw ng 2023. Napakaraming nadismaya matapos hindi inaasahang huminto ang operasyon ng paliparan dahil sa pagpalya ng mga system nito. Umabot sa 361 flights ang kinansela dahil sa insidente at libo-libong mga pasahero ang stranded sa NAIA.

Dapat ayusin ng MIAA ang sistema nito at siguraduhing disiplinado ang mga taong nagtatrabaho sa paliparan dahil kinakatawan nila ang turismo ng bansa. Sila ang unang makakadaupang palad ng mga turistang papasok sa bansa kaya’t napakahalagang masiguro na magiging kaaya-aya ang karanasan ng mga ito.

Kung magpapatuloy ang paglutang ng mga ganitong uri ng kwento ukol sa paliparan, mababalewala ang pagsusumikap ng Department of Tourism na hikayatin ang mga lokal at internasyonal na turista na mamasyal sa Pilipinas. Ang lahat ng isyung ito ay malaking hadlang sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pag-ibayuhin ang turismo sa bansa para sa muling paglago ng ating ekonomiya.

472

Related posts

Leave a Comment