INABUTAN DIN NG MAHABANG KAMAY NG BATAS

DPA

KASABIHAN na ng matatanda na ang lahat ng bagay ay mayroong katapusan. Kahit ang sinulid, pagkahaba-haba man ay may dulo pa rin. Isang kasabihan na tamang-tama sa kaso ng Maguin­danao Massacre.

Kahit sino ay nainip sa haba ng panahong ginugol, isang dekada, pero sabi nga sa English, worth waiting for dahil sa wakas, nakamit na ng mga biktima ng Maguin­danao Massacre ang katarungan.

Pero kahit nahatulan na ang mga salarin, hindi pa rin mawawala ang sakit na naramdaman noon ng mga kaanak ng mga biktimang nadamay lang dahil sa kagahaman ng mga Ampatuan sa kapangyarihan.

Sana magsilbing aral sa mga politiko ang nangyari sa mga Ampatuan na buong akala marahil ay walang katapusan ang kanilang paghahari sa kanilang probinsya at dahil ayaw nilang mawala sa kanila ang kanilang kaharian ay papatay sila.

Akala siguro nila na panahon pa ng mga hari noong unang panahon ang panahon ngayon kung saan pinapatay ang mga kalaban at wala silang pananagutan kaya?kung?pumatay?ang mga Ampatuan para sa kapangyarihan ay ganu’n na lamang.

Tinapos ng 58 biktima ng Maguindanao Massacre ang kanilang paghahari at nga­yon ay pagdurusahan na nila ang kanilang karumaldumal na krimen dahil lang sa kapangyarihan na ayaw nilang mawala sa kanila.

Naabutan din sila ng mahabang kamay ng batas. Mabagal man ang takbo ng hustisya, inabutan pa rin ang mga Ampatuan at ng kanilang private armies matapos silang hatulan na makulong ng habambuhay.

Sana maging aral ito sa mga political dynasty sa Pilipinas na kung mang-aabuso at gagamit ng dahas para manatili lang ang kanilang angkan sa kapangyarihan ay darating din ang panahon ng kanilang pagwawakas.

Marami pa rin ang nakaupo ngayon na mula sa political dynasty kaya ito  marahil ang dahilan kung bakit hindi nagtatagumpay ang anumang pagtatangkang ipagbawal ang political dynasty sa ating inang bayan.

Pansinin n’yo… Kung saan may mahirap na lugar o probinsya, nandu’n ang political dynasty. Hanggang apat na henerasyon na silang nagpapalitan ng puwesto at asensado na sila pero ang kanilang pinagsisilbihan kuno ay dukha pa rin!

Hindi ba laging sinasabi ng mga matatanda na kung corrupt ang isang politiko, huwag asahan na aasenso ang inyong lugar? (DPA / BERNARD TAGUINOD)

281

Related posts

Leave a Comment