INIREKLAMONG LTO OFF’L SA DOTr, NAPAGANDA PA ANG PWESTO?

HINDI natin lubos maisip kung saan kumukuha ng swerte ang isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) sa Cordillera region, na sa kabila na may reklamo laban sa kanya ay gumanda pa lalo ang kanyang pwesto (juicy position).

Base sa ating hawak na dokumento o reklamo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., thru Secretary Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr) na may petsang Hulyo 6, 2022 at tinanggap ng Office of the Secretary ng DOTr noong Hulyo 21, 2022, ay inirereklamo ng small transport business group ng Regions 1, 2, 3 at Cordilleras, ang isang OIC LTO-Cordillera dahil sa ilegal na aktibidades nito.

Itinago muna natin ang kanyang pangalan sa alyas “Al Ray”.

Kasabwat nito ang isa pang opisyal ng LTO sa nabanggit na lugar sa kanilang ilegal na mga gawain.

Pinakawalan umano ng dalawang opisyal na ito ang kolorum bus, van at PUV na namamasahero nang walang kaukulang mga dokumento.

Ang nasabing kolorum na mga sasakyan ay ini-release sa gabi ng mga Sabado at Linggo. Kahit na umano ang impounding ng LTO-Cordillera ay may personnel at mga guwardiya, ay ipinag-utos sa kanila na ang ilagay ay “antedate” release report sa logbook.

Karamihan ng malalaking kooperatiba ng vans at bus companies at iba pa ay walang “franchise plying” sa mga rutang hanggang Baguio mula region 1, 2, 3, NCR at iba pang mga lalawigan ng Cordillera na nagbibigay ng “tara o lagay” bilang protection money para sa naturang opisyal ng LTO na inirereklamo.

Sa rami nang nakulimbat na pera, ang opisyal na ito ay may rancho na may 300 baka sa lalawigan ng Kalinga.

Ang tagapag-alaga ng baka ng opisyal na ito ay ginawang empleyado ng LTO Cordillera na sumusweldo sa gobyerno pero ang kanyang trabaho ay sa rancho ni Al Ray, galing mo gar!

Imbes na itapon ang opisyal na ito sa kangkungan ay napunta pa ito ngayon sa magandang pwesto na kung saan ay kumikita ng limpak-limpak na salapi na pumapasok sa kanyang bulsa.

Walang kahirap-hirap si bossing para yumaman, samantalang ang mga negosyante, halos hindi na kumain sa pagnenegosyo para lang makatipid tapos ang opisyal na ito ay napakadaling pumasok sa kanyang bulsa ang pera.

Hindi kaya alam ni LTO chief, Atty. Vigor Mendoza na ang opisyal na ito ay inireklamo sa tanggapan ni Sec. Bautista?

Hindi pa kaya nabasa ni Sec. Bautista ang sulat na ito na reklamo laban kay Al Ray? Pwede natin ibulong ito kay Sec. Bautista.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

57

Related posts

Leave a Comment