Noong 1658, 361 taon na ang nakararaan, nang huling gumalaw ang Marikina West Valley Fault. Sa loob ng 1,400 na taon ay apat na beses na itong gumalaw. Kung susuriin ang timeline na ito, maaari itong gumalaw ulit sa ating panahon. Tinatayang nasa 7.2 magnitude na lindol ang pinag-uusapan natin dito. Handa ba tayo? Handa ba ang ating mga gusali para rito?
Sa pagkakaroon ng ganitong posibilidad, hindi nakatutulong na mayroong isyu ngayon sa uri at kalidad ng materyales na ginagamit sa mga gusali bilang pundasyon partikular na ang mga bakal. Sinasabi kasing may 12 taon na mula nang mag-umpisang gumamit ng ibang uri ng bakal ang mga pagawaan ng bakal. Ang dating micro-alloyed na bakal na matibay ay pinalitan ng mga quench tempered na bakal.
Bukod pa rito, napag-alaman din na hindi mahigpit ang gobyerno pagdating sa pagsusuri ng kalidad ng bakal. Ang sinasabing grade 40 na bakal na karaniwang ginagamit sa paggawa ng mga mid-rise na gusali ay maaaring pumasa bilang grade 60 dahil lang sa ito ay quench tempered. Nagagamit tuloy ito sa paggawa ng matataas na gusali gaya ng mga high rise condominium.
Kailangang higpitan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang proseso ukol dito upang masiguro ang integridad ng mga gusali sa bansa.
Ang mga grade 40 na bakal ay hindi akmang gamitin para sa mga matataas na gusali. Hindi nito kakayanin ang lakas ng The Big One na sinasabing nasa 7.2 magnitude. Maraming mapipinsala at mamamatay kapag gumuho ang mga gusali sa bansa sa pagtama ng The Big One.
Sa pundasyon ng gusali nakasalalay ang kaligtasan ng mga tao pagdating ng The Big One. Kailangang kayanin ng mga gusali ang matinding pagyanig na dala ng The Big One upang ang mga tao ay magkaroon ng sapat na oras upang makalabas ng mga gusali at makaligtas.
Kung hindi maaasahan ang integridad ng mga gusali sa bansa, paano na tayong mga Filipino pagdating ng The Big One, lalo na tayong mga nasa Metro Manila kung saan naglipana ang mga matataas na gusali. Saan tayo magtatago? Saan tayo tatakbo? Paano natin ililigtas ang ating mga sarili kung nasa loob tayo mismo o napaliligiran ng mga matataas na gusali na may kwestyonableng integridad? (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
184