ISA SA MGA DAPAT PAGHANDAAN SA 2024

EDITORIAL

NAGBABALA ang Department of Science and Technology sa magiging epekto ng El Niño phenomenon sa bansa sa unang limang buwan ng 2024, at inaasahang titindi ito sa Abril.

Maaaring maapektuhan nito ang 65 ng 81 lalawigan.

Kapag lumala, makaaapekto ito sa suplay ng pagkain partikular sa umaasa sa tubig na bigas na pangunahing pagkain sa bansa.

Isa rin sa mga problemang idudulot ng malalang tagtuyot ay ang suplay ng kuryente kaya nanawagan ang pamahalaan sa mga konsyumer na magtipid na sa paggamit ng kuryente.

Ito raw ang ambag ng mga ordinaryong Pilipino para paghandaan ang posibleng malalang epekto ng El Niño sa 2024.

Kahit walang nakikitang yellow o red alert, may posibilidad na pumalya ang ilang planta kung titindi ang init ng panahon.

Kailangan ang pagtitipid at maayos na paggamit ng kuryente na madalas nang ginagawa ng mga ordinaryong mamamayan. Hindi sa mga ordinaryong konsyumer manggagaling ang solusyon kundi sa mga nangangasiwa ng takbo ng kuryente na dapat mayroong akmang plano para mabawasan ang malalang epekto ng El Niño phenomenon. Nararapat na hanapan ito ng ibang pangmatagalang solusyon.

Nangako si President Ferdinand Marcos, Jr. na pabibilisin ng pamahalaan ang dam at flood-control projects.

Sinimulan na rin ng Department of Agriculture, na miyembro ng El Niño Task Force na binuo ng Pangulo para mapahina ang epekto ng weather phenomenon, na ipatupad ang mga hakbang sa pagtugon sa malalang epekto ng tagtuyot sa pamamagitan ng pagpapatibay ng irrigation facilities, pag-adopt ng alternative rice planting methods na nangangailangan ng kaunting tubig, animal dispersal, at pagbibigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga magsasaka at mangingisda.

Seryosong problema ang El Niño. Ang maagang paghahanda ay dapat agad ikasa. Ang mga plano ay ginagawan agad ng aksyon.

Hindi kailangan ang mga pahayag kung ang laman nito ay hindi isasalin sa gawa.

Nakasalalay sa agarang aksyon ang estado ng seguridad sa pagkain, tubig at kuryente.

Hindi rin maisasantabi ang epekto ng matinding tag-init at tagtuyot sa kalusugan ng tao.

Ano ang pagkakaiba ng El Niño, dry spell at drought?

Ayon sa PAGASA, ang El Niño ay ang pag-init ng temperature sa Dagat Pasipiko sa bansa. Epekto nito ang dry spell at drought.

Maituturing na dry spell ang epekto kapag nabawasan ng 60 porsiyento ang tubig-ulan na natatanggap ng isang lugar sa loob ng 3 magkakasunod na buwan. Ang drought ay kapag umabot sa 60 porsiyento ang kabawasan sa rainfall sa loob ng 5 magkakasunod na buwan. Kapag higit 60 bahagdan na ang bawas sa tubig-ulan, ito ay itinuturing na meteorological drought.

Hanggang kailan magtitiis ang mga Pinoy sa epekto at pinsala ng El Niño phenomenon?

296

Related posts

Leave a Comment