ISDA NATIN INI-IMPORT NATIN

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

WALA sigurong tao na nasa tamang pag-iisip na hindi sasama ang loob na kapag ninakaw ang gamit mo sa bahay mo tapos ibebenta sa iyo ng nagnakaw dahil kailangan mo.

Kaya nakasasama ng loob na mag-aangkat tayo ng mga isda lalo na ang galunggong at ang magbebenta sa atin ay ang China na kinuha ang mga isdang ito sa ating teritoryo sa West ­Philippine Sea (WPS).

Nitong nakaraang mga araw, inanunsyo na kulang na naman ang supply ng galunggong at iba pang uri ng isda sa ating bansa kaya kailangang mag-angkat ng 25,000 metric tons galunggong, matangbaka, alumahan, tulingan at moonfish o bilong-bilong.

Mantakin mo, sagana ang Pilipinas sa mga ganitong uri ng isda pero dahil kinokontrol ng China ang WPS lalo na ang traditional fishing ground ng mga Filipino sa Scarborough Shoal, ay hindi makapangisda ang ating mga mangingisda.

Hindi nakalalapit at pinalalayas ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pinoy sa ating territorial waters kaya sila ang naghahakot ng mga isda na dapat ay sa ating mga Pinoy.

Nagpista ang Chinese ­fishermen sa pangingisda sa ­ating teritoryo noong nakaraang administrasyon kaya ang epekto sa atin, nagkukulang tayo ng ­supply at ang solusyon, mag-import tayo.

Ang masama, sa China tayo mag-i-import dahil sila ang may supply tulad ng nakaraang mga panahon, ng galunggong na malamang sa malamang ay kinuha nila sa ating teritoryo.

Ang mga dating fishing ground ng China ay ubos na kaya maging ang teritoryo ng mga kapitbahay nilang mga bansa tulad ng Vietnam, Indonesia, Malaysia at Pilipinas, ay pinuntahan na nila para maghakot ng isda.

Pero sa teritoryo natin sila nagpista nang husto lalo na noong nakaraang administrasyon at tumindi pa ang kanilang ­pangingisda habang naka-lockdown ang Pilipinas dahil sa pandemya.

Sa Pinas, hindi makapa­ngisda ang mga kababayan natin dahil bantay-sarado ng Chinese Coast Guard ang ­ating teritoryo na pinalala pa ng mataas na ­presyo ng diesel kaya hindi nakapagpapalaot ang mga ­mangingisda natin.

Noong nakaraang adminis-trasyon, ilang beses ba tayo nag-import ng galunggong sa China. Hindi ko mabilang. Pero maiiwasan sana ‘yun kung malayang makapangisda ang ating mga kababayan sa WPS.

Pero wala, eh, nasakop na ng China ang WPS at lalong lumakas pa sila noong nakaraang administrasyon kaya ang epekto, gutom ang mga Filipino gayong sagana sana sila sa lamang ­dagat.

Kaya walang ipinagkaiba ang sitwasyon sa isang bahay na ninakawan ng mga gamit at dahil kailangan ang mga ninakaw na gamit ay mapipilitan kang bilhin ‘yun sa magnanakaw.

Kailan kaya darating ang araw na tayo naman ang mag-e-export sa China ng galunggong? Mangyayari lang ‘yan kung mabawi natin ang ating territorial waters sa WPS. Sana.

16

Related posts

Leave a Comment