ISKO, PACQUIAO PANAPAT SA KANDIDATO NI DUTERTE

0

MAGKAINTINDIHAN muna tayo.

Hindi ako kontra sa oposisyon at hindi naman ako maka-administrasyon.

Nililinaw ko lang ito dahil ayoko kong akusahan ninyo akong kontra sa oposisyon dahil napapadalas ang bigwas ko sa 1SAMBAYAN, partikular kina Bise – Presidente Maria Leonor Robredo at dating Senador Antonio Trillanes IV.

Kung nabasa ninyo ang mga kolum ko laban sa kanila, kabilang ang lumabas kahapon na “Alyansa ng mga bagsak sa sarbey at talunan sa halalan”, kitang-kita ang napakalilinaw na mga batayan sa pagbira ko sa kanila.

Kahit ang administrasyong Duterte, kasama si Pangulong Rodrigo Duterte mismo, ay nakatitikim din ng bigwas ko lalo pa’t bigo ito sa napakaraming mga isyu at suliranin ng bansa.

Dahil mahina sina Robredo, Trillanes, Rep. Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva, Rep. Vilma Santos – Recto at Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno, sino ngayon ang ipantatapat ng 1SAMBAYAN sa kandidato ni Duterte sa pagkapangulo at pagkapangalawang – pangulo sa halalang 2022?

Wala!

Ito’y dahil maraming politikong ayaw, o takot, na makasama, o maiugnay sa mga nabanggit ko tulad nina Mayor Isko Moreno, Senadora Nancy Binay, Senador

Panfilo Lacson at Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao.

Ang politikong nakikita kong maaaring ipantapat sa kampo ni Duterte ay sina Moreno at Pacquiao.

Ang problema, hindi “the best” at “the most qualified” sina Moreno at Pacquiao.

Si Moreno kasi ay vendors lang sa Carriedo ang kayang banggain at hindi iyong mga nagtitinda sa ibang bangketa sa Maynila, lalo na ang mga Muslim.

Pokaragat na ‘yan!

Sa larangan ng paglilinis, harapan lang ng Manila City Hall at ang katabi nitong bantayog ni Gat. Andres Bonifacio ang nagawa ni Moreno mula noong 2016.

Pero, hindi niya nalini-san ang maraming kalsada sa Maynila kung saan naging parking area ang mga gilid nito.

Ang matindi ay hindi tinanggal ni Moreno ang mga nakaimbak na basura sa mga estero, kaya huwag magtaka kung bakit baradung-barado ang mga ito hanggang kasalukuyan.

Aktibo si Moreno sa mga kotongerong traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), ngunit tahimik siya laban sa mga pulis ng Manila Police District (MPD) na tumatanggap ng lingguhang tara mula sa mga bookies sa karera, bookies ng small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Perya ng ­Bayan at iba pang ilegalidad sa Maynila.

Pokaragat na ‘yan!

Aktibo ang press statements ni Isko sa maraming pahayagan, kabilang na ang mga tabloid.

Mayroon pang video footages na palaging kumakalat sa facebook accounts ng maraming tao, pero kahit isa ay hindi naging paksa ang korapsyon sa pamahalaang lungsod ng Maynila.

Noong panahon ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ay terible ang kritisismo sa napakatalamak na korapsyon sa Manila City Hall.

Ngunit, nang maging alkalde si Isko hanggang kasalukuyan ay hindi siya nabigwasan tungkol sa korapsyon, samantalang hindi naman ito nawala sa City Hall.

Ayon sa ilang nakaaalam sa nangyayari sa administrasyon ni Isko Moreno ay 40 porsyento ang hatag sa bawat proyekto sa Maynila ngayon.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya, malaking palaisipan kung si Isko nga ang masasabing “right person” na pantapat sa kandidato ni Duterte sa 2022.

Huwag kalimutang bigo si Duterte na sugpuin ang katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.

Ang totoo, sumahol pa nang husto.

Kaya, paanong malulutas, o mababawasan man lang ang napakatalamak na katiwalian at korapsyon sa buong pamahalaan kung si Isko Moreno na ang tunay pangalan ay Francisco Domagoso ang ilalaban sa kandidato ni Duterte upang matalo ang huli?

Tandaan na hindi lahat ng popular ay naging totoo at tapat sa kanilang pangako bago maging pangulo ng Pilipinas.

Nabanggit ko si Pacquiao dahil mayroon nang nagkumpirma sa akin na “siguradong” tatakbo ito sa pagkapangulo.

Kung tutuusin, hindi okey na pantapat si Pacquiao kahit sino sa mga napipisil na kandidato ni Duterte, sapagkat wala pang napapatunayan ang boksingero sa pagiging kongresista at senador habang nanatiling boksingero.

Hindi sinuportahan ni Pacquiao ang laban ni Duterte sa korapsyon.

Walang sinabi si Pacquiao kahit isang salita tungkol sa napakasahol na korapsyon sa pamahalaan.

Tahimik din si Pacquiao sa ibang isyu.

Tama ba?

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment