JEEPNEY AT ANG KULTURANG PINOY SA PAGBABAGO

Psychtalk

(Ikalawang bahagi)

BATAY sa mga nauulinigan minsan ng mga kuwentuhan ng kung sinu-sinong taong nakasasalamuha, maraming eksenang nangyayari sa mga jeep na nagpapakita ng kaugalian at kultura ng mga Filipino.

Naaalala ko pa ang mga nakakatuwang kasabihan na madalas ay makulay na nakasabit o nakapaikot sa loob ng mga jeep. Halimbawa nito ay ang “God knows Hudas not Pay.”  Isang nakatutuwang paggamit ng mga imahe galing sa relihiyon upang ipakita ang ilang kagawian ng ilang mananakay.

Dahil sa sistema ng paraan ng pagbabayad, talagang ‘di maiiwasan na may maaaring makalusot. Alam na ito ng mga driver lalo na ‘yung may katalasan naman sa simpleng matematika.

Kung tutuusin, tiwala na lang ang pinaiiral nila dahil kung tutuusin sa posisyon ng mga driver, mahirap i-monitor kung sino talaga ang ‘di nagbabayad. Mahirap ding basta-basta tumigil para habulin ang kung sino mang bababang pasahero na hindi pa nakakabayad.

Sabi nga ng ilang nakausap ko, minsan kung talagang mukha namang hirap ay napapalusot na nila minsan lalo na kung lagpas naman na sa boundary ang kita nila. Halimbawa ay mga mag-aaral na lalo na sa bandang uwian ay kinakapos na ng budget.

Maaaring totoo ito dahil ilang estudyante na rin ang na­ringgan ko dati na nagkakatuwaang magkuwento kung paano nila minsan naitatawid ang mga araw na kapos ang mga budget nila. Nariyang sinisipagang mag-abot ng pamasahe ng iba para kunwari ay sila ang nagbayad. O kaya naman ay sa dulo pupuwesto para madaling bumaba. Mayroon namang iba na malakas ang loob na umamin sa driver at makikiusap na kung pwede ay sa susunod na lang magbayad.

Bagama’t may mga driver na wala namang konsiderasyon dahil na rin siguro sa mahigpit ang pangangailangan kung kaya’t ang mga eksena ng mga driver at pasaherong nagkakasigawan kaugnay ng ‘di pagbabayad o pagkalimot mag-abot ng pamasahe.

Ang mga eksenang ito sa ating mga jeepney ay nagpapakita ng mga tila simple pero malalim na katangian ng pakiki­pagkapwa-tao ng mga Filipino. Kahit sa jeep, nakikita natin ang patutunguhan natin.

Dahil kapwa at hindi naman iba ang turing sa mga pasahero, may mga driver na kayang magbigay-pasensiya na lang sa ilang ‘di nakakabayad ng pamasahe.  (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

571

Related posts

Leave a Comment