KABUHAYAN MAS GAGANDA KUNG BAWAS ANG POLITIKA

USAPANG KABUHAYAN

Ngayong araw na ito ay boboto ang halos 60 mil­yong Filipino, o mga 80 porsyento ng mga rehistradong botante sa ating bansa, para sa 12 senador, mga mahigit 200 miyembro ng kongreso at mga 18,000 lokal na opisyal.

Sa aking kwenta, gumastos ang lahat ng mga kandidato para sa halalang ito ng mga P18 bilyon. Siguro ay mga P100 milyon hanggang P500 milyon para sa indibidwal na kandidato para senador, P10 milyon hanggang P500 milyon para sa mga kandidato para kongresista, gobernador ng probinsya o mayor ng malalaking siyudad, at mga P1 milyon hanggang P10 milyon para sa mga kandidato para sa mas mababang puwesto.

Ang tanong ng marami lagi ay saan nila kinukuha ang pera para sa gastusin na ito ganoong hindi naman napakataas ang sweldo ng mga halal na opisyal mula sa pangulo ng bansa hanggang sa pinakamaliit na konsehal. Ang laging sagot ay galing sa pangungurakot ng mga opis­yal, o hindi kaya ay sa mga negosyante na may interes na magkaroon ang pamahalaan ng patakaran o batas na pabor sa kanilang negosyo o may mga malalaking kontrata na natulungan o tutulungan na makuha nila ng politikong sinusuportahan nila.

Sa isang probinsya sa Central Luzon, ang balita noong bago naghain ng kandidatura ang mga kandidato ay handang gumastos ng hanggang P2 bilyon ang isang kandidato para gobernador dahil ang kalaban niya ay may maraming pera na galing sa ilegal na sugal. Maaaring panakot lang ito o propaganda para gumastos ng malaki ang kalaban at maubos agad ang pondo bago pa ang eleksyon.

Sa Amerika, Europa at iba pang bansang maunlad na may demokratikong sistema rin ng pagpili ng mga opisyal ng pamahalaan ay may limitas­yon sa mga donasyon para sa mga kampanya ng mga kandidato, kaya gumawa sila ng batas doon na pwedeng magtayo ng mga tinatawag na political action committees (PACs) na sa totoo lang ay mga grupong nagsusulong ng kandidatura ng mga politikong kakampi nila.

Nang tumakbo at nanalo si Barack Obama para pangulo ng Estados Unidos, tinata­yang gumastos siya kasama na ang Democratic Party at ang mga PACs na sinuportahan siya pati na ang mga kandidato ng Democratic Party ng mahigit $1 bilyon para sa advertisements o mga P50 bilyon. Hindi kasama rito ang mga gastos sa mga rallies, pulyeto at iba pang mga gimik sa kampanya.

Magastos kasi talaga ang demokrasya lalo na dahil ang mga bansang may ganoong sistema ay laging nabubuhay sa sistemang kapitalista, na ang hangarin ay paunlarin ang buhay ng taumbayan sa pamamagitan ng negosyo na may malaking kita. Ang limitasyon dito ay ang pagi­ging malinis ng pagkatao ng mga politiko pati na rin ng mga mamamayang pinagsisilbihan nila. Para mawala ang tiwali, kailangang malinis pareho ang hangarin at kilos ng mga politiko at mga botante. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

215

Related posts

Leave a Comment