KAHALAGAHAN NG EPEKTIBO AT MAKABULUHANG KOMUNIKASYON

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

IDARAOS ngayong Oktubre sa unang pagkakataon ang Communications Month alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos sa pamamagitan ng Proclamation No. 308 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Batid ng ating pamahalaan ang mahalagang tungkulin ng komunikasyon sa nation-building.

Kailangan ng publiko ang totoo, tama at napapanahong impormasyon para epektibong mailatag at maipatupad ang mga polisiya, programa at proyekto ng gobyerno na makatutulong sa mga Pilipino.

Layunin ng naturang proklamasyon na mas mapayabong pa ang industriya ng media na katuwang, hindi lamang ng pamahalaan kundi ng lahat ng sektor ng lipunan, sa paglaban sa maling impormasyon at paglaganap ng fake news.

Likas naman sa ating lahat ang pakikipag-usap para maglahad ng opinyon at saloobin at magawa ang ating mga responsibilidad sa araw-araw pero mahalagang mahasa pa rin ang kakayahan sa paggamit ng mga salita para magkaroon ng makabuluhang komunikasyon sa personal at propesyunal na aspeto ng buhay.

Ayon sa survey ng Social Weather Stations o SWS kamakailan, nasa 75% na Pilipino ang may kakayahan o matatawag na ‘competent’ sa paggamit ng lengguwaheng Filipino at 47% ng Ingles.

Pero ang kakayahang gumamit ng mga lengguwaheng ito ay isa lamang aspeto ng epektibong komunikasyon. Nahahasa rin ang kakayahang ito sa iba’t ibang paraan kagaya ng pakikisalamuha sa kapwa.

Mayroon ding mahalagang papel na ginagampanan ang mga sektor ng lipunan at mga institusyong kinabibilangan natin para masigurong maayos ang daloy ng komunikasyon at mapakinabangan ang mga benepisyo nito.

Kamakailan, nagsagawa ang De La Salle University – The Jesse M. Robredo Institute of Governance, ng capacity-building activity para mas mahubog pa ang mga guro at mga mananaliksik sa larangangang ito. Alam ng institusyon ang kahalagahan ng malinaw na komunikasyon para mas ma-empower pa ang akademya.

Kinumbida nila ang mga kilala at beterano sa larangan ng propesyunal na komunikasyon, kagaya ng mga miyembro ng media at mga sanay makipag-usap sa media katulad ni Sir Joe Zaldarriaga, para magbahagi ng kanyang karanasan at kaalaman.

Bukod sa pagiging tagapagsalita ng Meralco, tumatayo rin bilang Chairman ng International Association of Business Communicators o IABC at trustee ng Public Relations Society of the Philippines o PRSP si Sir Joe.

Kaya sakto na kasama siya sa panel ng The Art of the Interview, dahil inilahad niya ang kahalagahan ng komunikasyon sa kanyang responsibilidad bilang tagapagsalita ng pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa. Siya kasi mismo ang nagpapaliwanag sa media ng mga teknikal na usaping may kinalaman sa regulasyon at presyo ng kuryente na bahagi ng serbisyo publiko ng Meralco.

Ang mga panayam sa media ay maituturing na makapangyarihang instrumento sa pagpaparating ng mensahe sa publiko. Ayon kay Sir Joe, batay sa isang pagsusuring isinagawa ng Sprout Social noong 2021, 74% ng mga mga konsyumer ay nagsabi na mas madali para sa kanila ang magtiwala sa kumpanya kapag nakikita nila ang tagapagsalita nito.

Sa kanyang pagbabahagi, ipinaliwanag ni Sir Joe kung bakit pili lamang ang mga taong inaatasang tumanggap ng mga panayam mula sa media. Kung iisipin kasi, tila simple lamang ang kailangang gawin – sagutin ang mga katanungan ng mga miyembro ng media. Ngunit ang totoo, ito ay isang kakayahang nililinang kasabay ng paglipas ng mga taon.

Kaakibat ng paglinang at pagpapahalaga sa pagkakaroon ng epektibong komunikasyon ang pagsigurong tama, totoo at maaasahan ang impormasyon para maging kapaki-pakinabang sa araw-araw na buhay nating mga Pilipino.

271

Related posts

Leave a Comment