KAALAMAN ni MIKE ROSARIO
SUMASALAMIN sa totoong kalagayan ng mga Pilipino ang pagkakabuo ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) sa Socorro, Surigao del Norte.
Totoong kalagayan ng kahirapan, kawalan ng oportunidad at tulong na natatanggap ng mga tao mula sa gobyerno.
Naniniwala sila na kapag naging miyembro sila ng SBSI ay ito ang magbibigay sa kanila ng magandang kinabukasan, subalit naging kabaligtaran ang totoong nangyari sa kanila.
Dito na pumasok ang pananamantala sa mga miyembro ng ilan nilang lider at sila ay naging sunod-sunuran sa ipinag-uutos sa kanila.
Dahil sa pangyayaring ito, naghain si House Committee on Human Rights chairman Rep. Bienvenido Abante, Jr. ng resolusyon para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa SBSI kaugnay sa mga paglabag sa karapatang pantao ng samahan sa kanilang mga miyembro.
Nauna nang may lumabas na mga report na ang SBSI ay isang “kulto” at may nangyayaring pang-aabuso sa kanilang mga miyembro na ginagawa ng kanilang lider.
Dahil dito, si Abante ay naghain ng House Resolution (HR) 1326, at magsasagawa ng imbestigasyon ang kanyang komite dahil nakababahala na aniya ang malawakang paglabag sa human rights ng SBSI na pinamunuan ni Jey Rence Quilario, binansagang “Senior Agila” na ‘reincarnation’ umano ng batang Hesus.
Ang mga alegasyong ibinabato sa lider ng SBSI ay human trafficking, kidnapping, serious illegal detention, child marriage, child abuse and exploitation.
Ang SBSI na may 5,000 miyembro ay itinatag noong 2019, na ang tumatayong pangulo ay si Rosalina L. Taruc na ang pakay ay magbayanihan o magtulong-tulong para sa ikauunlad ng kanilang komunidad.
Kalaunan ay nakumbinsi ng mga miyembro si Taruc na ‘reincarnation’ ni Sto. Niño si Quilario, kaya bumaba ito sa pagiging pangulo ng organisasyon at ipinaubaya ang pamumuno kay “Senior Agila”.
Unti-unti umanong nagbago ang kalakaran ng samahan na mula sa dating ordinaryong organisasyon ay naging “kulto” kung saan ang kanilang paniniwala ay nabaling kay Quilario bilang ‘reincarnation’ ng batang Hesus.
Kaya dito nagsimula ang mga pang-aabuso na kamakailan ay in-expose ni Senador Risa Hontiveros sa Senado.
Sa privilege speech ni Sen. Hontiveros noong Setyembre 18, ibinulgar niya ang napakasakit na mga karanasan ng mga kabataan sa SBSI sa Surigao del Norte tulad ng panggagahasa at sapilitang pagkakasal sa kanilang mga kasapi sa grupo na kilala rin bilang “Kapihan.”
Ang grupo ay may 5,000 miyembro, kasama na ang 1,587 menor de edad.
Kung kahirapan at kawalang oportunidad ang nagtulak sa mga tao na sumapi sa SBSI, ibig sabihin ay may kasalanan din ang gobyerno.
Kung parurusahan ang tinaguriang “Senior Agila”, dapat may managot din sa gobyerno dahil kapabayaan din ito ng ating mga namumuno sa pamahalaan.
373