KAILAN PA KAYA MAAAPRUBAHAN ANG 2019 NATIONAL BUDGET?

POINT OF VIEW

Kalagitnaan na ng Abril subalit wala pa ring katiyakan ang sambayanang Filipino kung kailan mapagtitibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P3.757 trilyon national budget bill para sa taong 2019 at kasabay nito’y apektado rin ang kabuuang operasyon ng gobyerno.

Nitong Huwebes, nabuhayan na ng loob ang mga mamamayan partikular ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno nang  inihayag ng Malacañang na inaasahang lalagdaan na ng Pangulo ang panukalang budget sa darating na April 15, araw ng Lunes.

Subalit, nitong Biyernes, sinabi ni Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na tinanggal na sa ca­lendar of activities ng Chief Executive sa darating na Lunes ang tungkol sa paglalagda ng kontrobersiyal na budget.

Sinabi ni Panelo na maaaring pag-aaralan pa ito nang husto ni Duterte ngayong bakasyon ng Holy Week subalit wala naman siyang maibigay na katiyakan kung kailan o kung pagtitibayin ba ito pagkatapos ng Semana Santa.

Ang urong-sulong na de-sisyon ng Palasyo sa pag-apruba nito ay nag-ugat sa nangyayaring tug-of-war sa pagitan ng Senado at House of Representatives kaugnay sa mga illegal insertions sa budget.

Sinasabing maraming ginawang illegal insertions ang Kamara sa pamumuno ni Gloria Macapagal Arroyo sa pagkatapos na maratipikahan na ito sa idinaos na bicameral conference committee ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Nagbanta kamakailan si Pangulong Duterte na i-veto nito ang buong budget kung makikita nito na may mga illegal insertions at mag-operate na lang ang gobyerno sa reenactment budget ng 2018.

Ang mahirap dito habang tumatagal ang pagpapatibay sa budget, marami namang bago at mahahalagang programa ng gobyerno ang naapektuhan.

Kasama na rito ang pangakong wage hike para sa mga empleyado ng gob­yerno at ang mga scholarship vouchers ng gobyerno gaya ng sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng Department of Education (DepEd) na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante na umaasa sa mga scholarship programs ng gobyerno.

Habang nakabinbin ang ating budget ay nakahinto rin ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na mamamayan lalo na sa mga ipinangakong scholar grants sa mga ito at pagbibigay ng wage increase.

Sa halip kasi na makapagsanay at makapag-aaral na sila ay nasasayang ang kanilang panahon sa paghihintay kung kailan maaprubahan ang kanilang scholarship vouchers.

Ang mga empleyado ng gobyerno ay naghihintay rin sa kanilang wage hike na kailangang-kailangan na lalo’t patuloy sa pagtaas ang mga bilihin dahil sa tuluy-tuloy namang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sana madesisyunan na agad ng gobyerno ang nasabing problema, kung lalagdaan o reenactment na ang budget upang hindi naman maantala ang mga mahahalagang programa ng gobyerno.  (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

68

Related posts

Leave a Comment