KAILANGAN MALINAW PANININDIGAN NG PRESIDENTE

EDITORIAL

MAY mga hakbang na gagawin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kasunod ng mga panliligalig ng China sa West Philippine Sea.

Ang pinakabagong pangha-harass ng China sa loob ng EEZ ng Pilipinas ay ang pambobomba ng tubig sa sasakyang pandagat na maghahatid ng supply sa mga sundalo ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre, na sinundan ng pangha-harass ng Chinese helicopter sa mga Filipino scientist sa Sandy Cay sa Pag-asa Island sa WPS pa rin.

Ano ang mga rekomendasyon ng National Security Council na pinag-iisipan ni Pangulong Marcos?

Ayon sa opisyal ng NSC, handa silang humanap ng mapayapa at diplomatikong solusyon sa ganitong mga problema.

Ang pagdadala ng supply sa BRP Sierra Madre na isinadsad sa Ayungin Shoal at mga aktibidad sa Scarborough Shoal ang nagsindi ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

Kung ibabase ang mga panliligalig ng China sa mga sibilyan at sundalo sa WPS sa sinasabing maginoong kasunduan ng dating administrasyon at ng China, kailangan siguro na ipagdiinan ni Marcos Jr. na hindi ito balido sa kanyang turno.

Siya mismo ang nagpahayag na wala siyang malay sa kasunduan na kailangang alisin ng Pilipinas sa sarili nitong teritoryo – ang Ayungin Shoal – ang BRP Sierra Madre, at sakaling nagkaroon man ay kanya itong pinawalang saysay.

Kung tutuusin, hindi pag-aari ng dalawang lider na kumasa ng gentlemen’s agreement ang kanilang bansa kaya ang tanong: maikokonsidera ba itong may bisang kasunduan?

Hindi pag-aari ng pangulo ang Pilipinas kaya hindi balido at epektibo ang treaty o kasunduang internasyonal hangga’t walang pagsang-ayon ang hindi bababa sa two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.

Kung pinagtibay sana ang panalo ng Pilipinas sa The Hague ay hindi aabot sa tensyon ang nagaganap sa Ayungin Shoal, na seryosong usapin ngayon na marapat na pag-isipan nang husto ng pamahalaan para sa seguridad, proteksyon at karapatan.

Dapat ipinagdiinan ng mga lider ng bansa na hindi sunud-sunuran ang Pilipinas, at hindi nito isusuko ang ipinaglalaban.

 

43

Related posts

Leave a Comment