KAKARAMPOT NA, UTAY-UTAY PA

NAGPAPARAMDAM ba ng malasakit ang gobyerno sa mahihirap kung ang ibibigay na ayuda ay ang hindi naipamahaging parte ng nakaraang tulong?

Sa ilalim ng pinalawig na Targeted Cash Transfer (TCT) program, ang mga benepisaryo ay tatanggap ng cash subsidy na P1,000, na hahatiin sa P500 para sa dalawang buwan.

Ayon sa DSWD, sisimulan ang pamamahagi kapag natanggap na ng ahensiya ang mga panuntunan dahil natukoy na nila ang mga benepisaryo.

Kung tatalupan ang programa at paraan ng pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda upang matulungan ang mga pinakadukha sa mahihirap, ay tila sinasabik ang mga pobre sa patak-patak na bigay na hindi naman nila ikagiginhawa.

Nasa 9.3 million mahihirap na Pilipino ang aayudahan dahil sa patuloy na pagtaas ng inflation. Kabilang din sa mga benepisaryo ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga manggagawa na kumikita na mababa sa minimum, at indigent senior citizens.

Ang 1K ayuda ay mabuti na kaysa wala, ngunit hindi ito gaano makatutulong.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, ang maliit na halaga ay kulang at kaunti ang matutulungan.

Ang pondo ng gobyerno para sa ayuda ay P7 billion na “unreconciled” funds mula sa cash transfer program noong 2021 habang P2 billion ay manggagaling sa contingency funds ng Office of the President.

Ngunit, ayon kay Africa, isang panlilinlang ang pinalabas ng administrasyon na ang P1,000 ay udyok ng pag-aalala sa epekto ng mataas na inflation. Giit niya, ang nasabing halaga ay balanse ng P1,000 na ibibigay ng gobyerno sa mahihirap na 9.2 milyong pamilya matapos ang agarang pagkansela sa TCT program noong nakaraang taon.

Estratehiya para laging bida ang estilo ng ilang nasa poder, ngunit ang diskarte ay maling paglalarawan ng pagtulong. Kapag may krisis, ang laging solusyon ng pamahalaan ay ayuda. Permanenteng solusyon ang kailangan ng mamamayan, hindi kakarampot na ayuda na inuutay-utay pa.

111

Related posts

Leave a Comment