KALAHATING MILYON ANG UTANG KO?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NOONG 2022, umabot na sa 115.6 million ang populasyon sa Pilipinas na binubuo ng 26.39 million pamilya base sa census ng Philippine Statistic Authority (PSA) at habang tumatagal ay dumarami ang mga tao.

Hindi pa kasama dyan ang mga dayuhan lalo na ang Chinese nationals na ilegal na pumunta sa Pilipinas at wala nang balak bumalik sa China lalo na ‘yung wanted doon dahil tiyak na magiging miserable ang kanilang buhay hindi tulad sa Pilipinas na multi-billionaire sila at protektado pa ng corrupt officials.

Anyway, noong 2023, lumabas na 3 million pamilya ang hikahos sa buhay as in mahirap, pobre, isang kahig, isang tuka, na katumbas ng 17.54 million indibidwal at malamang ay nadagdagan na ang bilang na ito dahil hindi maawat ng Pangulo niyo, ang inflation rate na naging dahilan ng kahirapan.

Pero marami ang kumukuwestiyon sa datos na ito dahil kung ang Forbes ang tatanungin, 16 pamilya lang sa Ina kong Bayan ang bilyonaryo, hindi sa piso kundi dolyar, na mas malaki pa ang hawak nilang pera kaysa budget ng gobyerno sa buong taon.

Isa sa mga dahilan kung bakit pinagdududahan na 3 milyon lang ang mahirap na pamilya sa Pinas ay dahil 45% lamang sa 26.39 million pamilya ang itinuturing na middle class. Mahina ako sa math kaya kayo na ang magkwenta.

Pero alam niyo ba, bawat pamilyang Pilipino ay may utang na P558,114 dahil sa patuloy na pangungutang ng gobyerno para punan ang mga gastos na hindi kaya takpan ng buwis na kinokolekta nila sa atin?

As in mahigit kalahating milyon ang utang ng bawat pamilya. Mahigit kalahating milyong piso ang utang ko, ganun? Ang gobyerno na dapat mangalaga sa kanyang mamamayan ay ibinabaon ang mga tao sa utang?

Kasama sa mga may utang ‘yung 3 milyong pamilya na mahirap at tulad ng tanong ko, siguradong itatanong nila, mahirap na nga kami, may utang pa kami nang hindi namin nalalaman? Saan ang hustisya sa bansang ito.

Malaki ang posibilidad na lolobo pa ang utang nating ‘yan dahil hindi tumitigil ang gobyerno sa pangungutang dahil gumagastos nang higit sa kinikita. Mantakin n’yo, mahigit 15 bilyong piso ang gastos ng araw-araw ng gobyerno tapos ang nakokolektang buwis ay 11 bilyong piso lamang kaya kailangan nilang umutang ng 4 bilyong piso araw-araw?

Laging turo sa amin noong bata pa kami na huwag gumastos nang higit sa kinikita para hindi mamulubi pero ang ating gobyerno ay hindi sumusunod dahil ‘yung mga nagpapatakbo eh hindi naman apektado kundi ang mamamayan na nagbabayad sa kanilang inuutang sa pamamagitan ng pataas na pataas na buwis na sinisingil sa atin.

Okey lang sana kung maramdaman ng mga tao ang inuutang na ito ng gobyerno pero hindi eh. Wala pa ring pagbabago sa ating bansa, third world country pa rin tayo. Imbes na bumaba ang presyo ng mga bilihin ay lalo lang tumataas.

At ang pinakamalupit sa lahat ng kalupitan, P700 billion kada taon ang nawawala sa pondo ng gobyerno dahil sa corruption. ‘Yan ang halagang pinaghati-hatian ng corrupt officials, mula sa mayor hanggang sa itaas. Mas malaki siyempre sa itaas, malamang.

92

Related posts

Leave a Comment