KALIGTASAN NI CONG. ARNIE TEVES TINIYAK NG MARCOS ADMIN

TARGET NI KA REX CAYANONG

MALAYO na ang nilalakbay ng isyu laban kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves.

Kung anu-ano ang ibinabato laban sa kanya kahit wala namang basehan. Kinakaladkad siya sa usapin ng pagpaslang kay Gov. Roel Degamo.

Aba’y nasa labas ng bansa ngayon si Teves. Nangangamba nga ito sa kanyang kaligtasan.

Nagpapasaklolo na rin siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa sobra na raw ang pagdidiin sa kanya ng ilang taga-gobyerno.

Sa kanyang social media post, isiniwalat ni Teves na may natanggap siyang impormasyon na ginagamit daw ang Palasyo at pangalan ni Pangulong Marcos na siyang nag-utos na idiin siya sa pagkamatay ni Degamo. Alam naman daw niya na walang kinalaman dito si PBBM.

“Sa totoo lang, hindi ako naniniwala na si President BBM mag-oorder na tirahin ako or i-operate ako para lang masolo ng ibang tao ang e-sabong. Hindi ganun si President BBM. Naawa nga ako kay Presidente, ginagamit pa ‘yung pangalan niya ng mga taong gusto lang magnegosyo ng sabong. Mga bossing, ‘wag naman sana ganu’n. Alam ko Mr. President, na wala kayong kinalaman dito. Sana lang mapuna ‘yung ibang mga tao d’yan sa gobyerno na ginagamit ang inyong pangalan para sa kanilang pansariling kapakanan,” pagsisiwalat ni Teves.

Kapwa raw sila naging biktima ni Degamo dahil sa personal na interes ng iilan.

May sagot na rin naman dito si PBBM. Dapat daw ay umuwi na lang sa bansa si Teves at harapin ang mga alegasyong ipinupukol sa kanya.

Aba’y habang tumatagal daw ang pag-uwi ni Teves, tiyak na mas magiging mahirap daw ang sitwasyon ng kongresista.

Tiniyak pa nga ni Pangulong Marcos ang pagkakaloob ng lahat ng kinakailangang seguridad ng mambabatas sakaling magdesisyon itong umuwi.

Sinasabing nangangamba si Teves sa kanyang kaligtasan kaya hindi pa makauwi ng Pilipinas. Pilit naman kasi siyang idinadawit sa Degamo slay case.

Medyo malayo pa ang lalakbayin ng kasong ito. Ang dami rin kasing nakikisakay kung saan ang ilan ay gusto lang namang lumakas daw ang pangalan at may sariling agenda rin daw.

Dapat itong busisiing maigi ni PBBM. Tiyak naman na sa bandang huli ay mangingibabaw rin ang katotohanan at malilinis ni Cong. Teves ang kanyang pangalan.

289

Related posts

Leave a Comment