KAMAY NA BAKAL VS GANID NA MGA NEGOSYANTE

OPENLINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

PANAHON na para gamitan ni Pangulong Bongbong Marcos ng kamay na bakal ang mga abusado at mapagsamantalang mga middleman at traders na kumokontrol sa suplay at presyo ng mga pangunahing food commodities at agricultural products sa mga pamilihan.

Matapos kasi na sumipa ang presyo ng sibuyas sa hanggang P750 kada kilo, mga produktong itlog at bawang naman ngayon ang nagsisimulang tumaas ang halaga.

Ayos lang sana na tumaas ang presyo ng mga produktong pagkain kung ang nakikinabang sa mga pagtaas na ito ay ang ating mga lokal na magsasaka.

Pero ang masakit, sa kabila na tumataas ang presyo ng kanilang aning mga produkto ay hindi naman sila ang kumikita at nananatiling sila pa rin ang mga nasa pinakamahihirap na sector ng ating lipunan.

Ang dahilan ay sapagkat ang mga ganid na middleman lamang ang kumikita dahil sila rin ang nagdidikta kung magkano nila babayaran ang mga produkto mula sa mga magsasaka at kung magkano nila ibebenta sa mga pamilihan.

Kaya ang resulta ay namumunini ang mga negosyante sa dami ng pera samantalang patuloy pa rin sa kahirapan ang kawawang mga magsasaka.

At dahil sa miserableng kalagayan ng mga magsasaka, may mga pagkakataon na nakaririnig tayo ng balita na may nagpapatiwakal sa kanila dahil sa sobrang depresyon at kawalan ng pag-asa sa buhay.

Base nga sa pagbubunyag ng isang magsasakang taga Mindoro ay binibili lang sa kanila ng mga negosyante mula P8 hanggang P15 kada kilo ang mga sibuyas, pero pagdating sa Metro Manila ay ibinebenta nila ito ng hanggang P750 kada kilo.

At ngayong nakaamba na ngang bumaba ang presyo ng sibuyas dahil malapit na ang anihan at parating na rin ang mga inangkat ng pamahalaan sa ibang bansa, ay ibang agricultural products naman ang nakaambang tumaas.

May mga ulat na nagsisimula nang tumaas ang presyo ng itlog at bawang sa mga pamilihan at kung hindi ito maagapan ni PBBM ay tiyak na magreresulta na naman ito sa artificial shortage.

Sa harap ng mga kaganapang ito, maliwanag na sabotahe na ang ginagawang ito ng mga negosyante at nagiging dahilan tuloy para umani ng pagpuna ang pamahlaan mula sa mga kritiko.

Kaya naman panahon na para ipakita ni PBBM na determinado siya na sugpuin ang mga kabulastugang ito ng mga ganid na negosyante, at magagawa niya ito kung gagamit siya ng kamay na bakal at talagang bubuwagin ang kanilang mga kartel.

Kapag ginawa ito ni PBBM ay tiyak na suportado siya ng 110 milyong Pilipino na matagal nang pinahihirapan ng mga mapagsamantalang negosyanteng ito.

131

Related posts

Leave a Comment