KAPAG MAY TIYAGA, MAY NILAGA

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

ANG pinakamayayamang mga tao sa buong mundo ay hindi yayaman kung hindi sila nagtiyaga at nagsakripisyo.

Tulad na lang halimbawa nina Henry Sy na nagmamay-ari ng pinakamalalaking Shoemart (SM Department Stores) na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng bansa; Manny Villar na nagmamay-ari ng mga executive subdivision sa iba’t ibang lugar sa bansa; Tony Tan Caktiong, nagmamay-ari ng sikat na Jollibee na maraming branches dito sa Pilipinas at sa abroad, at Ramon Ang na kilalang nagmamay-ari ng pagawaan ng beer sa bansa, ang San Miguel Corporation.

Si Sy ay mula lang din sa mahirap na pamilyang Chinese na dumating sa Pilipinas, ilang taon na ang nakalilipas.

Isang ordinaryong tao na nagpursige, nagsakripisyo, nagtiyaga at may disiplina sa sarili.

Nagsimula siya sa maliit na tindahan ng sapatos sa Carriedo St. sa Maynila, halos walang pahinga, matipid at pasensyoso.

Mula sa isang ordinaryong tindahan ng sapatos sa Carriedo St., ay naging SM Carriedo ito kung saan dati ay pawang mga sapatos lamang ang kanyang mga paninda.

Kalaunan ang dating sapatos lamang na mga paninda ng SM, ay naging kumpleto na, katulad ng groceries, damit, appliances. Nagkaroon din ng playgrounds, restaurants at iba pa.

Ang dating SM lamang ay naging SM City kung saan ang loob nito ay talagang parang siyudad na.

Si dating senador Manny Villar naman na nagmula sa mahirap na pamilya sa Malabon, ay dating mayroong maliit na tindahan sa lugar, nagsakripisyo rin at may sipag at tiyaga.

Ngayon, isa na siyang pinakamayamang tao sa Pilipinas dahil sa kanilang condominiums, subdivisions, malls, convenience stores, television station, at iba pa.

Nagsimula sa pagtulong sa maliit nilang kainan sa Maynila si Tony Tan Caktiong noong kabataan niya, hanggang maisipan nitong magtayo ng sariling restaurant na lumaki hanggang sa maging Jollibee na ngayon.

Hindi lang sa Pilipinas matatagpuan ang iba’t ibang branches nito kundi sa iba’t ibang mga bansa rin.

Si Ramon Ang naman na dati ring nagmula sa mahirap na pamilya sa Tondo, Maynila, ay naging disiplinadong tao, pumasok sa negosyong maliit hanggang sa lumaki.

Dahil sa pagiging simpleng tao ni Ginoong Ang, ang lahat ng hinawakan niyang mga negosyo ay lumago, hanggang sa nakilala niya si Danding Cojuangco na chairman ng San Miguel Corporation, kalaunan ay napunta sa una ang kilalang kompanya ng pinakamalakas na beer ng bansa.

Kaya nga, ‘pag may tiyaga ay may nilaga’!

oOo

Pinaalalahanan natin ang publiko laban sa scammers at manloloko lalo na ngayon na naglipana ang mga ito dahil sa social media.

Nagpapanggap ang mga ito na parang totoo ang kanilang mga sinasabi para maniwala ang kanilang bibiktimahin. Matutumbok din kayo ng mga awtoridad!

36

Related posts

Leave a Comment