KAPAG MAY USOK, MAY SUNOG

SIDEBAR

May kasabihan sa wikang Ingles na “Performance is the best PR (public relations)” na katulad din ng kasabihang “Action speaks louder than words.”

Ang dalawang kasabihang ito ang realistikong naglalarawan sa mga na­ging kapalpakan ng mga organizer ng 30th Southeast Asian Games (SEA Games) simula pa nang nagdatingan ang mga atleta ng Football sa Ninoy Aquino International Airport noong Linggo o sakto ring isang linggo bago ang opening ceremony sa Nobyembre 30.

Late dumating ang mga bus na susundo sa Football teams mula sa Cambodia, Myanmar at Timor-Leste at pagdating sa kanilang mga hotel, hindi agad naka-check in para matulog at magpahinga dahil sa kakulangan sa paghahanda at koordinasyon ng kung sino man ang in-charge sa Football teams.

Palpak din ang hotel accommodation ng Thailand Football team at dahil sa matinding traffic sa South Luzon Expressway, kinansela ng mga Thai ang kanilang ensayo sa Biñan Football Stadium sa Laguna.

Wala ring electronic scoreboard sa unang laro ng Football sa Rizal Memorial Stadium bukod pa sa hindi pa natapos na Press Center na animo’y isang warehouse at patuloy na pagpipintura sa ilang bahagi ng gusali ng RMS.

Kung hindi sana pumalpak ang preparasyon sa Football tournament ay nakalimutan na sana ang tungkol sa 50-milyong pisong kaldero sa New Clark City. Pero maraming kapalpakang nangyari sa kabila ng mga pahayag sa media ni Speaker Alan Peter Ca­yetano na handang-handa na ang Philippine Southeast Asian Games Organi­zing Committee (PHISGOC) para sa 30th SEA Games.

Pati siguro si Pangulong Rodrigo Duterte napaniwala ni PHISGOC Chairman Ca­yetano na handang-handa na ang Pilipinas sa paghu-host ng okasyon kaya nang nabasa niya sa mga pahayagan ang mga reklamo ng mga naunang dumating na Football teams ay natural lang na madismaya siya dahil pamahalaan pa rin ng Pilipinas ang nagiging kahiya-hiya sa Asia.

Dapat lang ang ipinag-utos ng pangulo na imbestigasyon sa mga kapalpakan ng organizer ng SEA Games pati na ang mga alegasyon ng korapsyon na makikita sa mga pipitsuging signages at ni walang mga tarpaulin sa kahabaan ng EDSA na ­nagwe-welcome sa mga atleta at delegado mula sa iba’t ibang Asia countries.

Kabilang sa mga iimbestigahan ang PHISGOC chairman at ang lahat ng mga organizer ng mga tournament kung saan pumalpak sa pagbibigay ng shuttle bus, hotel accommodation at food requirements ng mga atleta kabilang na ang mga Muslim na atleta.

Talagang totoo ang kasabihang “performance is the best PR.” At totoo rin ang kasabihang “Kung may usok, may sunog.” Ang tanong na lang ay kung sinu-sino ang mga bugok sa PHISGOC ang masusunog kapag nagkaroon na ng imbestigasyon ang Malacañang sa mga kapalpakan ng PHISGOC sa SEA Games. Abangan… (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

180

Related posts

Leave a Comment