KAPAL NG GULONG NI MORENTE

BISTADOR Ni RUDY SIM

GINULANTANG ang ahensya ng Bureau of Immigration (BI) noong nakaraang Lunes ng dalawang magkasunod na buhos ng malakas na pagbagsak sa kanilang tanggapan ng magkaibang dokumento na nag-uutos kung sino ang pansamantalang Commissioner o Officer-In-Charge ng ahensya.

Matatandaang nang magsimulang manungkulan ang pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong tanghali ng June 30 ay nagpalabas ng Memorandum Circular 1 ang Palasyo na ­nilagdaan ni Executive Secretary, Atty. Vic Rodriguez na lahat ng Presidential appointees sa nagdaang pamahalaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay dapat nang bakantehin ang posisyon at magkaroon muna ng OIC sa bawat ahensya ng pamahalaan hanggat wala pang napipisil na itatalaga ni PBBM.

Ngunit ano kaya ang karapatan ni dating BI Commissioner Jaime Morente na bago ito lumisan sa kanyang tanggapan ay nagpalabas pa ng isang directive order na pinirmahan noong June 29, JHM-2022-281 kung saan ay itinalaga nitong OIC ng ahensya si Atty. Ronaldo Ledesma bilang senior officer ng BI. Aba, kapal naman masyado yata ng “gulong” ng sasakyan ni Morente na sa loob ng anim na taon nitong panunungkulan sa ahensya ay hindi man lang “nagasgas”?

Si Ledesma o mas kilala sa tawag na RPL ang isa sa natitirang mga antigong opisyal ng BI na nagsimula pa sa ­panahon ni dating Commissioner Miriam Defensor-Santiago kung saan dito nakilala dahil sa kanyang katapangan bago naging senadora. Nagsilbi na rin minsan si Ledesma noon bilang OIC Comm. ng ahensya at dalawang beses ngayon bilang OIC deputy. Isa ito sa mga kinikilala at kinakatakutan na tila isang “godfather” ng BI ng ilang ­opisyales dahil sa pagiging makisig at hindi nadadapa sa daan kung maglakad lalo’t kung nagpu­punta ito sa kanyang kulay “Pink” na private restroom sa 4th floor. Ay!, ang favorite color ni Nanay Leni. Oh ‘di ba! Chika!

Agad naman na sinupalpal ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na siyang may sakop sa BI, ang order ni Morente upang magpalabas naman ng Department order 299 noong July 1 na ang pinagkatiwalaan nitong itinalaga bilang OIC ng BI ay ang hepe ng Immigration Regulations Division na si Rogelio “Junjun” Gueverro Jr. na magtatagal hanggang July 30.

Itinalaga naman ni Remulla bilang pansamantalang OIC deputy commissioner ng BI sina Fortunato “Jun” Manahan na chief ng Intelligence Division at si Ledesma na na-downgrade sa naunang designation nito na ipinalabas ni Morente. Pero Teka! hindi ba’t mas may mga senior officer pa kay Manahan kung ang susundin ay ang rank sa ahensya? Aba, swerte nga naman ni Manong, hawak na ang intelligence at TCEU ­naging deputy pa pansamantala.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

88

Related posts

Leave a Comment