CARGO SERVICES SA UAE, PERWISYO SA OFWs; AT PAGTULONG SA REKLAMO NG INDIAN NAT’L

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

SA patuloy na pagtutok ng Rapido Ni Patrick Tulfo sa mga reklamo ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United Arab Emirates (UAE), natisod pa namin ang ilan pang kumpanya ng cargo services na sakit sa ulo ng ating mga kababayan.

Bukod sa Allwin Cargo Services, ilan pa sa mga pasakit umano sa mga OFW ang CMG cargo at Kabayan na inirereklamo sa atin. Katulad ng Allwin, inaabot umano ng siyam-siyam ang kanilang mga package/parcel at karamihan sa mga ito ay hindi pa nakararating sa kanilang pamilya.

Meron umanong inabot ng 2 taon bago na-deliver matapos ilapit sa ibang cargo services ang kanilang mga bagahe. Ang ipinagtataka ng inyong lingkod, bakit walang ginagawa ang ating pamahalaan para proteksyunan ang mga itinuturing nating “mga makabagong bayani”?

‘Di biro ang magtrabaho sa ibang bansa, dugo at pawis ang puhunan para makapagpadala sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas pero lolokohin lang ng mga ­kumpanyang katulad nitong Allwin Cargo at ang masakit pa raw ay ang mismong mga kababayan din natin ang mga nangbiktima sa kanila dahil ang cargo services na ­inirereklamo ay pinapatakbo ng mga ito.

Dapat ay hindi na bigyan ng permit o hindi na payagan na makapag-operate ng kaparehong negosyo ng mga may-ari ng inirereklamong mga kumpanya dahil tiyak na mauulit lang din ang ginawa nitong panloloko.

Sa ngayon, libu-libong bagahe ang hawak ng Bureau of Customs na hindi pa rin mai-deliver dahil sa hindi pagbabayad ng mga cargo services.

Nakikipag-ugnayan na ang aming programa sa mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa OFWs tulad ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration). At ayon nga kay OWWA Admin. Hans Cacdac, tutulungan nila ang problemang inilapit sa amin ng mga kababayan sa OFW at makikipag-ugnayan sa Bureau of Customs at sa counterpart nila sa UAE.

Patuloy naming tututukan ang mga hinaing na ito at sisiguraduhin na kung hindi man mabawi ang nawawalang mga padala ay makakamit nila ang hustisya.

Nakapukaw naman ng aming pansin ang reklamo ng isang Indian national na si Kapil Kumar Pala, mula sa Albay, sa mensaheng ipina­dala n’ya sa aming Facebook page.Sa pinaghalong Ingles at Filipino, halos mangiyak-ngiyak nitong ikinuwento ang gina­wang pagpindeho sa kanya ng asawang Pilipina at pagtangay sa kanyang pera.

Sa aming panayam kay Kapil sa aming programa sa DZME 1530Khz, sinabi niyang napatawad na n’ya ang kanyang asawa sa ginawa ­nitong panloloko pero hindi nito sukat akalain na uulit pa at tatangayin ang kanilang anak.

Nakipag-ugnayan kami sa Albay PNP, na nauna nang sinabi ni Kapil na hindi siya pinapansin ng mga awtori­dad. Nangako ang Albay PNP na ibibigay kay Kapil ang ­karampatang tulong na hinihingi nito.

116

Related posts

Leave a Comment