IPAKITA nating mga Filipino ang pagiging maka-pamilya ng lahi ni Juan Dela Cruz sa panahon ng krisis.
Pwede namang ilagay muna sa isang tabi ang magkakaibang paniniwala at kulay dahil maraming kinahaharap na suliranin ngayon ang taumbayan.
Hindi lang sa bansa, maging sa buong mundo dahil sa paglabas ng nakamamatay na 2019 novel coronavirus (2019-nCoV).
Sinabayan pa nang pag-aalburuto ng Bulkang Taal noong nakaraang Enero 12 subalit sa pangyayaring iyon ay namulat ang mata ng inyong lingkod na bukal sa puso ng mga Filipino ang pagtulong sa ating mga kababayan.
Kaya naman hindi nawala ang tiwala subalit mas lalong tumibay ang paniwala ng PUNA na ang lahi ni Juan dela Cruz ay mababa ang loob at maawain.
Totoong hindi ngayon ang panahon ng sisihan kaya makabubuti pa na magtulungan.
‘Wag nating isisi sa China partikular sa Wuhan City at Hubei ang paglabas ng coronavirus, hindi rin po nila kagustuhan ang nangyari.
Walang gustong magkasakit lalo na sa coronavirus na umabot na sa ibat-ibang bansa sa mundo.
Ang magagawa po natin ay mag-ingat tayo at sundin ang payo ng mga eksperto dahil sila ang nakakaalam kung ano makabubuti sa lahat.
Kung anuman ang makikita nating kakaiba ay ipagbigay alam agad sa mga kinauukulan.
‘Huwag natin husgahan agad ang ating makikita dahil magdudulot lamang ito ng kalituhan o pagpapanic sa taumbayan.
Para naman po sa mga kinauukulan ay ipatupad po ang alam nating tama na walang kapalit lagi po natin isaisip ang pagmamahal sa kapwa.
Hindi man kayo binigyan ng pabuya o gantihan ng ating natulungan, hindi po natutulog ang Nasa Itaas ay siya ang bahalang gumanti sa ating nagawang mga kabutihan sa kapwa.
Mas masarap ang pakiramdam kung tayo po ay nakakatulong sa ating kapwa.
Sa mga negosyante naman ‘wag po natin pagsamantalahan ang mga nangangailangan lalo na ng mga pangunahing pangangailangan sa ngayon kagaya ng face mask na dating nakatambak lang sa mga bodega ng tindhan.
Kung lahat ng tao sa mundo ay magtutulungan, lahat ng mabigat na suliranin ay magiging magaang lamang at madaling masosolusyunan.
Itigil na rin ng mga politiko ang kanilang pagbabangayan kung totoong may malasakit kayo sa taumbayan dahil panahon na ngayon para ipakita n’yo na totoong may malasakit kayo sa inyong mga botante at kababayan.
Pumuna kayo kung alam n’yong makakatulong kayo, pero kung makakagulo lang mas makabubuti na manahimik na lang kayo.
Ang pinakamabisa po nating gawin ngayon ay magdasal at sabayan natin ng pag-iingat kung hindi kinakailangan na lumabas manatili na lang po tayo sa bahay.
Salamat sa pagtutulungan ng mga tanggapan ng pamahalaan tulad ng Department of Health, Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Philippine Coast Guard, Department of Transportation at iba pang tanggapan na nagkakapit-kamay (este bawal pala ang kamay kaya bisig o siko na lang) upang pangalagaan ang sambayanan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com (PUNA / JOEL AMONGO)
210