KARAHASAN WAKASAN, HONORARIA DAGDAGAN

NANAWAGAN sa Philippine National Police (PNP) ang Commission on Elections na agarang aksyunan ang naiulat na serye ng karahasan at pananakot sa mga poll officer noong nakalipas na halalan.

Ginawa ni Comelec Chairman George Garcia ang panawagan nang makaharap niya si Election Officer Aknam Hasim, na nabulag nang barilin habang patungo sa Office of Provincial Election Supervisor noong October 2021 at ang pamilya ni Al-Barka, Basilan, Election Officer Ruaina Sayyadi na pinatay noong Hulyo 2022.

Giit niya, ang karahasan laban sa election officers ay hindi na dapat mangyari.

Aniya, dapat madaliin na ng PNP ang pagresolba sa mga kaso kabilang na ang mga biktima ng pamamaril upang mabigyan ng hustisya ang mga pamilya at iba pang biktima ng karahasan.

Babala ng Comelec: hindi nila uurungan ang sinomang nagbabalak ng masama o kaguluhan laban sa kanilang ahensya.

Ang paninindigan ng Comelec ay makatutulong hindi lang sa kaligtasan ng election officers kundi pati sa mga botante na madalas mangamba sa kanilang pagboto partikular sa mga tinatawag na election hotspots, gawa ng maruming pulitika na ginatungan ng kasakiman sa kapangyarihan ng ilang nais maluklok sa puwesto at ng ibang gustong kumapit sa poder.

Mapanganib at malaki ang sakripisyo ng mga election officer tuwing eleksyon kaya ang kanilang seguridad ay dapat matiyak.

Maganda rin ang pangako ng Comelec na ipaglalaban ang pagbibigay ng dagdag na honoraria sa mga guro na magsisilbi bilang board of election inspectors sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.

Muli silang dudulog sa Kongreso na maglaan ng supplemental budget upang madagdagan ang honoraria ng mga guro.

Mas mahirap umano ang trabaho kapag Barangay at SK elections dahil hindi automated kaya mano-manong binibilang ng mga guro ang mga balota,

Maayos at payapang eleksyon ang hangad ng bawat isa, ngunit mawawalan ito ng saysay kung hindi tapat ang lahat para sa adhikaing malinis ang larawan ng halalan.

18

Related posts

Leave a Comment