KARAOKE BAR SA PARAÑAQUE MISTULANG CASA?

BALYADOR ni RONALD BULA

KARAOKE BAR pero mistula umanong casa ang isang establisimyento na matatagpuan sa kahabaan ng Airport Road St. sa Baclaran, Parañaque City, ayon sa isang concerned citizen.

Aniya naging parokyano siya sa lugar at nakapag-VIP sa ARCHO-II videoke bar, wala na aniyang alak sa VIP at sa halaga umanong P2,500 kasama na diumano ang babae kung saan “all the way” aniya ang labanan.

Front lamang umano ang pagte-teybol kunwari sa baba at kapag may kausap na babae o GRO dun na iaalok ang umano’y panandaliang aliw o quickie sex ng naturang videoke bar.

Noong Disyembre ng nakaraang taon, nalathala na rin ng ilang pahayagan ang naturang bar dahil sa pagpapasayaw ng mga babae nang hubo’t hubad at matapos na itigil ito, ang panibagong operasyon aniya ay mistulang casa na ang mga VIP room nito dahil sa wala nang alak at all the way pa. Gaano kaya katotoo ang natanggap nating impormasyon mula sa isang concern citizen.

Alam kaya ito ng ating mga kapulisan na nakasasakop sa lugar at paano nakalulusot sa Mayor’s office ang ganitong kalakaran?

Sa ganang akin, maaaring legal ang nabanggit na beerhouse kung taglay nila ang pahintulot ng Business Permit and License Office o BPLO sa pagkakaroon nila ng GRO, Dancers, VIP rooms at entablado. Pero kung wala, illegal ang negosyo nila?

@@@

Samantala, nasa higit 50 Disco KTV Bar kabilang na umano ang mga gay bar ang matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Avenue, Airport Road at Roxas Blvd sa Pasay City at Parañaque City ang napaulat na lantarang nagpapalabas ng malalaswang panoorin partikular na ang pag-aalok ng panandaliang aliw sa loob ng mga VIP room.

Ayon sa source, kabilang sa mga bahay aliwan na diumano’y nagpapalabas ng malaswang panoorin ay ang sumusunod; DYNASTY, APOLLO, APEIRO, THE BAY ENTERTAINMENT KTV, STUDIO 2, 798 KTV, JERO, ALICE ANGEL KTV BAR, BOOM BAR KTV, WHITE BIRD, at iba pa na ilang metro lamang umano ang layo sa Redemp­torist Church sa Baclaran.

Sinabi ng source na pawang menor-de-edad ang mga babaeng nagsasayaw nang walang saplot ang katawan sa entablado at malaswa rin umano pagtatanghal ng mga macho dancers na ka-brief lang sa diumano’y mga gay bar kaya dinadayo ito ng mga matrona, balu o hiwalay sa asawa, maging ng banyaga dahil pagsapit umano ng dilim ay nagsisimula na ang hubaran.

Dagdag pa ng source, binalewala ng nabanggit na mga bahay aliwan ang City Ordinance nina Pasay City Mayor Emi Calixto -Rubiano at Parañaque City Mayor Eric Olivarez na nagbabawal sa pagpapalabas ng malalaswang panoorin.

In fairness naman sa nabanggit na mga establisimyento, bukas po ang espasyong ito para sa inyong paliwanag.

Subaybayan natin!

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

 

343

Related posts

Leave a Comment