SA halip na ibalik ang libreng sakay, pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad na magbigay na lang ng diskwento sa pamasahe sa mga mananakay ng EDSA bus carousel sa gitna ng limitadong pondo.
Sinabi ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor na kanilang tinitingnan ang mga posibilidad na makapagbigay ng subsidiya at mga diskwento sa mga pasahero.
Isinangguni na rin nila ang plano sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Inamin ng Mega Manila Consortium Corporation (MMCC), isa sa dalawang grupo na nagpapatakbo ng EDSA Bus Carousel, na nabawasan ng 20 porsyento ang mga pasahero mula nang magsimula silang maningil ng pamasahe nitong Enero 1.
Halos P1.2 billion ang pondo sa service contracting program ngayong 2023, na mas mababa kumpara sa P8.4 billion noong nakaraang taon, at hindi ito sapat kung magbibigay ang pamahalaan ng libreng sakay.
Kulang ang pondo pero plano pang gawing nationwide ang implementasyon ng diskuwento sa pasahe.
Nationwide? Cebu City at Davao City lang ba ang representasyon ng pambansang implementasyon? Paano ang ibang rehiyon at mga siyudad?
Pampapogi o pambobola ba ito kahit malayo sa posibilidad.
Mahalaga lang ba sa gobyerno ang mga pasahero ng EDSA bus carousel at ang biyahero sa mga siyudad ng Cebu at Davao?
Hindi pantay ang trato ng pamahalaan sa mga commuter at driver.
Nanawagan na nga ang Pasang Masda sa gobyerno na gawing patas ang pakikinabang sa ilang mga proyekto ng pamahalaan gaya ng service contracting program.
Lahat ng pasahero ay dapat ituring na importanteng mamamayan.
Kung may ilang bahagdan lang ng populasyon ang makikinabang sa ilang proyekto ng pamahalaan, ito ay tahasang pagtalima sa “may maiiwan” sa naghahanap ng magpapagaan sa buhay.
Para sa lahat, hindi lang sa iilan ang tamang implementasyon ng serbisyo nang walang maiiwan at maiiwasan ang alburuto.
Kung ginagawan ng paraan ang epekto ng mataas na presyo ng bilihin, dagdag-presyo ng petrolyo, transport system, mababang suweldo at iba pang humahatak pababa sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino, ay hindi na malaking usapin kung libre o may diskwento ang bus carousel.
Sa ngayon mamili muna kayo: discount o free ride?
