PANSAMANTALANG ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng karne ng baka mula sa bansang Brazil kung saan laganap na ang nakahahawang Bovine Spongiform Encephalopathy na mas kilala sa tawag na mad cow disease sa mga pastulan.
Batay sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa, may peligrong dala sa kalusugan ng tao ang mga karne ng baka mula sa nasabing bansa.
Sa ilalim ng Memorandum Order no. 23 na nilagdaan ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, pasok din sa mga tinabla ang pagpasok sa Pilipinas ng iba pang produktong mula o may sangkap ng karneng galing sa naturang bansa.
Kung tutuusin, maganda ang intensyon ng kagawaran lalo pa’t pakay ng gobyerno ang bigyan ng angkop na proteksyon ang kalusugan ng mamamayan. Ang siste, hindi handa ang pamahalaan na tugunan ang inaasahang kakulangan ng karneng baka sa mga pamilihan.
Dangan naman kasi, malaking bahagi ng mga binebentang karneng baka sa Metro Manila at ibang lalawigan, inaangkat din pala mula sa naturang bansa.
Sa nagbabadyang kapos na supply, problema rin ang nakaambang pagsirit ng presyo ng baka sa merkadong kontrolado ng mga ganid na negosyante.
Sa sandaling maramdaman sa merkado ang kakapusan ng supply, inaasahan ang muling pag-arangkada ng mga smuggler – tulad ng nangyari sa sibuyas na sukdulang pumalo ang presyo sa P750 kada kilo.
Ang usapin ng agri-smuggling, walang katapusan. Palamig lang ng konti at saka aarangkada uli.
Hay bayan ko… kaya pa ba?
