KASALAN NA ‘KKB’ SA FOOD

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAY nakatutuwang tanong ang isang netizen sa social media tungkol sa kasal na ang dadalo sa okasyon ang magbabayad ng pagkain sa handaan.

Sa madaling salita, KKB o kanya-kanyang bayad ang mga bisita.

Nakaaaliw ang mga tugon at reaksyon.

Pero, ‘di ba uso na ang KKB sa kasalan sa ibang bansa.

Gayunman, kagiliwan muna natin ang mga opinyon. Maiba naman para maiwaksi muna natin ang samu’t saring problema na nilalabanan ni Juan sa araw-araw.

Kapag nakatanggap ka ng imbitasyon sa kasal na hinihiling ng mag-iisang dibdib na ikaw ang magbabayad ng food, aba nasa sa ‘yo na kung lalarga ka o dededmahin ang imbitasyon.

Wala namang pilitan.

Siyempre, nariyan ang mga batikos. May pabor at kontra.

Para sa isang netizen, hindi isyu sa kanya kung siya ang magbabayad ng kanyang food sa handaan. Mas praktikal na aniyang isilid na lang sa sobre ang regalong cash kaysa maghagilap pa ng item na ireregalo. Meaning, mas magaan pa at hindi abala sa oras.

Mas makatitipid pa raw kung magbabayad sa food sa reception kumpara sa bibilhing regalo.

Wala ring masama para sa isang netizen na siya ang magbabayad basta kadikit niya ang ikakasal, at nais niyang maging bahagi ng isang hindi malilimutang okasyon.

Pero sa kulturang Pinoy ay hindi katanggap-tanggap ang ganitong imbitasyon.

Sa mga baryo, malaking piging ang kasal. Ginagastusan, at uso pa rin na ang lalaking ikakasal ang gagastos. Sabagay, may ambag din ang ilang kamag-anak ng groom.

Nagiging okasyon ito ng pagkikita ng magkakamag-anak, kaibigan at kakilala.

Hindi na isyu kung dadalo ka sa kasal na walang bitbit na regalo. Wala ring paki ang iba kung may karay-karay ang imbitado. At ang ending nga ay may nakasilid pa sa plastik. ‘Sharon’ ika nga.

At hindi rin nawawala ang tapang ng apog ng iba na nakikain na ay pipintasan pa ang mga inihatag na pagkain. Sabagay, isa iyan sa nagpapakwela sa isang kasalan o anomang okasyon.

At pwede ring umiwas sa tinatawag na tagay na ang kapalit ay datung. Kaya ang iba ay nagpapabarya muna at baka nga naman matagayan.

Uso rin ang sabit kapag sumasayaw na ang magkabiyak. Magastos din sa mga bisita pero nasisiyahan sila dahil naging bahagi sila ng matamis na pag-iisang puso.

Sa mga kontra, karapatan n’yo ‘yang magbigay ng komento.

Sa isang kontra, kakatwa raw ang hiling na ang bisita ang magbabayad ng kakainin. Kung hindi raw kaya ay simpleng kasalan na lang ang gawin o huwag nang magpakasal.

Daming ganap bago mangyari kasal sa Pilipinas, at mas sobra ang papansin matapos ang bendisyon. Tapos mauuwi lang sa diborsyo. Ay, hindi pala legal ang divorce sa Pilipinas.

Nagbabalitaktakan pa rin ang pabor at kontra.

33

Related posts

Leave a Comment