KASIRAAN O KARANGALAN BA ANG PAGKAKASABAT SA ILEGAL NA DROGA SA SUBIC?

ITO ANG TOTOO ni Vic V. VIZCOCHO, Jr.

NATURAL lang na magalit ang mga negosyante ng Subic Bay Freeport Zone sa mga tangka at paggamit sa Subic bilang pasukan ng ilegal na droga, partikular ng shabu.

Ito Ang Totoo: Halagang P3.8B na naka-pakete sa 530 na tig-isang kilo ng shabu, ang nasabat sa Subic Freeport nitong nakaraang buwan mula sa bansang Thailand, na hindi naman una dahil sa nakaraan ay may mga tulad ng insidente na katunayan, may mas malaking katumbas na halaga pa nga.

Deklarado bilang “animal feeds” o pakain sa hayop ang shipment at hindi naman nakalusot sa mga awtoridad, particular sa National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pa.

Ganoon man, may negatibong epekto ang ganitong mga pangyayari sa mga negosyante sa Subic Freeport na matinong nagnenegosyo nang marangal at naaayon sa batas.

Ito Ang Totoo: Dahil sa mga ilegal na gawain ng iilan, nadadamay ang mga walang kinalaman sa pagkaka-abala at higpitan sa normal na proseso ng paggalaw ng mga produkto, papasok at palabas ng port.

Sa negosyo, bawat segundo ay mahalaga at ang abala ay malamang magresulta sa bawas na kita o baka pagkalugi pa.

Ito Ang Totoo: Nagpatawag agad ng pagdinig ang Kongreso kaugnay sa naturang ilegal na shipment ng shabu bagama’t ang susunod na petsa ng pagdinig ay ipinagpaliban pa ng mahigit isang buwan.

Sana may kahinatnan ang patawag ng Kongreso na ang pakay, kung tutuusin ay “in aid of legislation” o makapagpasa ng batas na pangmatagalan para mapigil ang ilegal na gawaing pagpapasok ng ilegal na droga sa bansa.

Ito Ang Totoo: Mas importante naman sa kasalukuyan, kumpara sa pa-siga-an at papogihan sa Kongreso, ang epektibong pagpapatupad ng mga umiiral nang batas ng “law enforcement agencies”.

Tanong ng marami: Bakit walang nahuli o naaresto ni isang tao sa naturang P3.8B halaga ng shabu na isinailalim pa sa “controlled delivery” sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga?

Sa kabilang banda, “kudos” sa Port of Subic, dahil dito ang mga ilegal na produkto at gawain ay nasisita, nasasabat at naaaksiyunan. Bakit nga ba sa ibang pantalan ay tahimik at walang hulihan? Ito Ang Totoo.

227

Related posts

Leave a Comment