KASO NG ABANDONADONG BALIKBAYAN BOXES BUBUSISIIN NA NG SENADO

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MAGSISIMULA na ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa inabandonang balikbayan boxes sa Bureau of Customs.

Pangungunahan ng komite ni Sen. Lito Lapid ang inquiry sa naturang isyu! Ang tanong lang natin, bakit naman ngayon lang?

Dahil halos dalawang taon na nang ilabas namin sa aming programa ang reklamo ng ating mga kababayang OFWs ang tungkol dito na karamihan ay nakabase sa bansang United Arab Emirates o UAE.

Ayon sa nagreklamong OFWs, kinuha ng cargo companies ang kanilang mga kahon na kanilang binayaran pero hindi ito nakarating sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas.

Ito ay dahil hindi na nailabas ito ng cargo companies sa BOC, tulad ng ALLWIN CARGO, CMG, KABAYAN ISLAND EXPRESS CARGO at MANILA CARGO na nakabase sa UAE.

Kasama rin ang KC Cargo ng Japan, GM Multi Services mula sa Canada, sa listahan na inireklamo rin sa amin.

Samantala, ang kanilang local partners na maaaring ipatawag din sa gagawing imbestigasyon, ay ang Luzon Cargo, FBV Forwarders, Cargoflex Haulers, Rensworld Freight Logistics, CMG International Movers, ETMAR International Logistics, KC Door-to-door Delivery Services, FGTI Forwarding Services, Cebu Cargo, Pinas Cargo, Goldwing Cargo, Cotabato Cargo, Phil Pacific Cargo, Manila Express at Al Delta Cargo.

Kinasuhan na ng Bureau of Customs nito lang nakaraang taon ang sampung kumpanya na sangkot sa pag-abandona ng balikbayan boxes.

Karamihan naman sa cargo companies na kasama sa listahan ay sarado na tulad ng ALLWIN, KABAYAN ISLAND EXPRESS CARGO, MANILA CARGO pati na ang GM MULTI-SERVICES.

Patuloy pa rin ang operasyon ng CMG at KC Cargo sa Japan.

Maaaring kasama raw ang inyong lingkod sa mga ipatatawag kapag nagsimula nang gumulong ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa isyung ito. Abangan!

41

Related posts

Leave a Comment