DISIPLINA

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

MAHALAGA nga ba ang disiplina? Sa lahat ng panahon ay kailangan ng tao na magkaroon ng disiplina.

Bakit? Sa pamamagitan ng disiplina ay makakamtan natin ang ating mga pinapangarap.

Pangarap natin na makatapos sa pag-aaral, magkaroon ng negosyo at umunlad.

Kung hanggang pangarap lang at wala tayong disiplina sa sarili ay mabibigo tayo sa ating pangarap.

Kahit na walang sapat na pera ang ating mga magulang, kung talagang pursigido tayo at may disiplina tayo sa sarili ay magagawa nating makapag-aral at makapagtapos.

Hindi natin kailangan ng malaking baon na pera para lang makapag-aral, tanggapan natin kung anong mayroon tayo.

Hindi lang pagsisikap para makapag-aral at makapagtapos ang kailangan, ang pinakamahalaga ay may disiplina tayo sa ating mga sarili.

Ganoon din, kung nakapagtapos na tayo at nagtatrabaho na, kailangan pa rin natin ng disiplina.

Nakapagtrabaho na at tuwing sasahod ay magbibisyo, gagastusin ang isang buwang sweldo sa isang gabing inuman lang.

Nalustay na ang pera, perwisyo pa sa trabaho dahil hindi nakapasok kinabukasan dahil sa hang-over sanhi ng kalasingan noong nakaraang gabi.

Sa negosyo ay ganoon din, kung wala tayong disiplina sa sarili, hindi ito magtatagal at malulugi.

Kahit anong laki ng puhunan natin sa negosyo, kung ang ating gagastusin ay mas malaki pa sa ating kinikita ay babagsak ang ating negosyo.

May negosyo nga tayo kung sasabayan naman natin ng bisyo, inom, babae, sugal at iba pa, saglit lang ay wala na tayong negosyo.

Lahat ng mga nagtagumpay sa pag-aaral, negosyo, propesyon ay nagtabi sila ng maraming disiplina na naging daan para maabot nila ang kanilang mga pinapangarap.

Ang mga kilalang mayayaman sa bansa tulad nina Henry Sy, na nagmamay-ari ng SM, dating senador Manny Villar na kilalang nagmamay-ari ng real estate, at iba pa, hindi sila nagtatagumpay kung kulang sila sa disiplina.

Kung bubusiin natin ang kanilang kwento, parehas sina Sy at Villar na nagsimula sa mahirap na pamilya, subalit sa kanilang pagpupursige na may kaakibat na disiplina ay naabot nila ang kanilang mga katayuan ngayon bilang mga mayayamang mamamayan ng Pilipinas.

Sabi nga isang negosyante, kahit anong halaga ng sweldo natin, maliit man ‘yan o malaki, ay kailangan natin magtabi para pagdating ng panahon na gusto nating magnegosyo ay may bubunutin tayong puhunan.

Kahit na maliit ang puhunan natin, kung sasamahan naman natin ng disiplina ay lalago rin ito hanggang sa umunlad tayo.

Kaya kung gusto natin maabot ang ating mga pangarap sa negosyo man o propesyon, magsakripisyo tayo at magkaroon ng disiplina sa sarili.

96

Related posts

Leave a Comment