PUNA ni JOEL AMONGO
HINDI dapat pinalalagpas ang pinakabagong nakawan at panghuhuthot ng ilang personnel ng Office of Transportation Security (OTS) ng Department of Transportation (DOTr) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.
Nakahihiya ito hindi lang sa panig ng gobyerno kundi sa mga Pilipino sa mata ng mga dayuhan.
Nitong nakaraang Lunes, ipinatawag ni House Speaker Martin Romualdez ang mga opisyal ng DOTr para hilingin ang pag-reshuffle ng mga tauhan at opisyal ng OTS.
Ayon pa kay Romualdez, paano pa tayo manghihikayat ng mga turista sa ating bansa kung mga magnanakaw o extortionist ang mga nagbabantay sa mga paliparan.
Tama ang sinasabi ni Speaker Romualdez, habang abala sa panghihikayat ang Department of Tourism sa mga turista na pumunta sa Pilipinas, abala naman itong mga tauhan ng OTS sa kanilang kalokohan.
Hindi inisip ng mga ito ang epekto sa ating bansa at kahihiyan na idudulot ng kanilang pinaggagawa. Buwisit!
Hindi magkandaugaga ang gobyerno ng pag-iisip para makahikayat ng mga turista na pumasyal sa ating bansa, tapos sisirain ng iilang tao na may personal na interes.
Imbes na kayo ang mangangalaga sa kapakanan ng ating bansa dahil kayo ay nasa opisina ng gobyerno, kayo pa ang sumisira sa ating pangalan.
Inaasahan nating lahat na makakaahon na tayo mula sa mahigit dalawang taon na inilugmok tayo sa kahirapan dahil sa COVID-19 pandemic, ngunit magiging hadlang pa kayo sa pag-angat natin.
Inirekomenda na ni Speaker Romualdez kay DOTr Secretary Jimmy Bautista na palitan lahat ng personnel ng OTS sa airport ng matitinong tao.
Kung ang PUNA ang tatanungin, dapat patawan ng pinakamabigat na parusa ang mga gumagawa ng kalokohan diyan sa OTS nang hindi na pamarisan.
Napaka-simpleng tao at mabait ang inyong boss na si Sec. Jim Bautista, tapos kayong mga nasa OTS ay may kalokohan? Mahiya naman kayo!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
