KATIWALIAN SA ISABELA DAPAT BUSISIIN NG SENADO

BISTADOR ni RUDY SIM

TILA nabuhayan ng loob ang mamamayan ng lalawigan ng Isabela matapos pansinin ng tanggapan ni Senator Robinhood Padilla ang kahilingan ni dating Angandanan, Isabela Mayor Manuel Siquian na imbestigahan ang umano’y pang-aabuso sa kapangyarihan ni dating Isabela Governor, na ngayon ay Vice Governor Faustino Dy at iba pang provincial officials para sa 3 counts ng plunder na inihain dalawang taon na ang nakalilipas.

Mula sa bilyones na nawaldas umano sa kabang yaman ng lalawigan ng nagharing mga opisyales dito sa Isabela, ay hinimok ni Siquian sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Blue Ribbon chair; Senador Francis Tolentino, Sen. Imee Marcos at Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na sa bagong administrasyon ay muling manumbalik ang tiwala ng sambayanan na nais ang pagbabago.

Mula sa krusada ng matapang na dating Mayor Siquian ay iginiit nito na dapat nang wakasan ang paghahari-harian ng mga corrupt official na kinasuhan ng plunder, malversation of public funds kabilang sina Isabela Gov. Rodolfo Albano III at Vice Gov. Faustino Dy na nagkaroon di-umano ng maanomalyang road projects kung saan ay nagkaroon ng sabwatan.

Umapela rin kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Siquian na bigyang pansin ang kasong ito upang matigil na ang pagmamalabis sa kapangyarihan ng provincial officials ng lalawigan at mabago ang pamumuhay ng maralitang mamamayan na nabibigyang pansin lamang sa tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon

Sa mataas na bilang na boto na nakuha ni Robin Padilla sa nagdaang halalan upang maging senador ng bansa, ay malaki ang tiwalang ibinigay sa kanya ng maraming Pilipino at kilalang makabayan si Padilla na siyang aasahan din ng mga taga Isabela na mabibigyang pansin na wakasan na ang maliligayang araw ng mga mapagsamantala sa gobyerno.

Matagal din namayagpag ang political dynasty sa lalawigan ng Isabela kung saan ay tinaguriang kingpin si Faustino Dy Sr., na hinawakan ang lalawigan ng higit dalawang dekada at ito’y namatay noong October 1993 sa edad na 68. Naputol lamang ang paghari-harian ng mga Dy noong 2004 nang talunin ni former Gov. Maria Gracia Cielo Padaca si Gov. Faustino Dy Jr. sa pulitika.

Nagsilbing vice Governor ng lalawigan ang batang si Dy mula noong 2019 hanggang sa kasalukuyan at naging Governor mula 2010 hanggang 2019.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

178

Related posts

Leave a Comment