DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG gugustuhin talaga ng mga Filipino ay kayang-kaya nilang ibasura at huwag nang paupuin ulit ang non-performing politicians at pinatunayan nila ‘yan noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Hindi pa naglalabas ang Commission on Elections (Comelec) ng assessment sa katatapos na halalan pero sa ground monitoring, maraming incumbent barangay captains at councilors ang hindi ibinoto maliban doon sa walang kalaban.
Sa isang barangay nga sa aming probinsya, sa anim na barangay councilors na tumakbo ulit, isa lang ang nakalusot at ang 5 ay ibinasura na ng mga tao ang kanilang reelection bid habang ‘yung incumbent barangay captain na tumakbong councilor ay hindi rin ibinoto.
‘Yung top 1 barangay councilors noong 2018 barangay election na karamihan ay tumakbong barangay chairman sa pag-aakalang malakas sila pero nabigo at ‘yung mga nag-re-elect naman ay hindi na pinabalik.
Marami akong impormasyong nakalap na karamihan sa inihalal na barangay officials ay mga baguhan at ‘yung mga incumbent ang naging luhaan. Hindi ko alam kung nagsawa ang mga tao sa kanila dahil 5 taon silang nakaupo o napatunayan na wala silang silbi sa kanilang komunidad.
Kahit ‘yung mga bumili ng boto, hindi nanalo kaya magandang senyales ito (sana) na puwedeng ibasura ng mga Filipino ang mga pulitiko lalo na ‘yung national at local politicians na ang tagal na nila sa kapangyarihan ay hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng mga tao.
Naghuhumiyaw ang katotohanan na maraming pulitiko ang bumibili ng boto tuwing eleksyon kaya hindi sila mawala-wala sa kapangyarihan at ipinapasa lang nila ang poder sa kanilang asawa o kaya ay sa mga anak.
Pero sa tagal na ng kanilang angkan sa kapangyarihan, wala namang pagbabago sa buhay ng mga tao. Pansinin niyo, kung saan lugar may political dynasty, doon pa malala ang kahirapan at kaguluhan.
Kaya umaasa ako na etong naging trending sa nakaraang barangay at SK election ay magpapatuloy sa mga susunod na halalan lalo na sa 2025 at 2028 at maghalal ang mga tao ng kanilang mga lider na magsisilbi sa kanila.
Kaya nilang palitan ang mga pulitikong walang silbi at saka lang nagpapakita sa kanila kapag panahon ng kampanya at walang naiambag para bumuti kahit papaano ang kanilang kalagayan, kung gugustuhin nila. Sila pa nga ang dahilan ng kahirapan eh.
Dapat isipin ng mga botante ang kanilang sarili tuwing eleksyon at isunod na lang ang bayan tuwing pipili sila ng kanilang lider na mamumuno sa kanilang munisipyo, siyudad, probinsya at bansa sa kabuuan at maging sa kinatawan nila sa Kongreso at Senado.
Malaki rin kasi ang kasalanan ng mga botante kung bakit nananatiling mahirap ang ating bayan dahil ang karaniwan nilang ibinoboto ay walang silbi at corrupt at sikat kaya huwag na kayong magtaka kung bakit malala ang korupsyon sa ating bansa.
107