KITAAN SA MODERN JEEPNEY NABUKING? KAMARA MAG-IIMBESTIGA

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MUKHANG magkakatotoo na nga ang ating hinala na kaya ipinupursige ng ilang mga opisyal ng gobyerno ang pagpapalit ng modernong dyip sa mga tradisyunal dyip ay dahil malaki ang kitaan dito.

Ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nagpahayag na iimbestigahan nila ang umano’y katiwalian o sabwatan ng mga dati at kasalukuyang transport officials sa pag-import ng mga mamahaling sasakyan na ipapalit sa tradisyunal dyip na isinusulong ng gobyerno.

Sa pahayag ni House Committee on Transportation Chairman at Antipolo Congressman Romeo Acop, hindi dapat ipagwalang-bahala ang impormasyong nakarating kay House Speaker Martin Romualdez hinggil sa anomalya at katiwalian sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

“We cannot allow corruption to take root in the implementation of the modernization program. If we are to proceed with the modernization of our PUVs, we must make sure there is not even a whiff of irregularity,” ayon kay Acop.

Kakalkalin sa imbestigasyon kung sino ang mga dati at kasalukuyang transport officials na nagsabwatan sa pag-angkat ng mga modern jeepney, para panagutin ang mga ito kung kinakailangan.

Batay sa impormasyon, may pinapaboran umanong brand ang nagsabwatang dati at kasalukuyang transport officials, ayon kay Acop sa kanyang seryosong alegasyon na hindi dapat palagpasin ng Kongreso.

Ang modern jeepney na planong ipalit sa mga traditional jeepney ay nagkakahalaga ng P2.5 milyon hanggang P2.8 milyon kada unit na hindi kakayaning bayaran ng ordinaryong mga tsuper at operator.

Sobrang layo ito sa P200,000 hanggang P400,000 na halaga ng traditional jeepney kaya maraming tsuper at operators ang hindi nag-consolidate ng kanilang prangkisa dahil pambayad utang lang ang kanilang kikitain sa araw-araw na pamamasada.

Matagal na nating isinusulat sa pahinang ito na maging tayo ay tutol sa pagpapalit ng modern jeepney sa traditional jeepney, hindi para ayawan natin ang modernisasyon ng transportasyon sa bansa kundi para sa kapakanan ng mga tsuper at mga operator na malulubog sa utang dahil sa sobrang mahal ng bawat unit ng modern jeepney.

Masyadong mahal at hindi kakayaning bayaran ng ordinaryong mga tsuper at operator ang halaga ng modern jeepney kung ikukumpara sa traditional jeepney.

Naniniwala tayo na hindi tulong kundi perwisyo sa mga tsuper at operator kung ipagpipilitan ng gobyerno na palitan ng modern jeepney ang traditional jeepney.

Iilan lang ang kikita sa pagpapalit ng modern jeepney sa traditional jeepney pero mas marami ang malulubog sa utang.

Malamang at sa malamang, sira na at hindi na tumatakbo ang mga unit ng modern jeepney, pero hindi tapos bayaran ito ng mga tsuper at operator na kumuha nito.

Hindi iniisip ng mga taong ito na nagsusulong ng pag-import ng mga modernong dyip na ipapalit sa mga tradisyunal, ang kapakanan ng mga tsuper at operator, basta sila ay kikita sa transaksyong ito.

Dapat mahubaran ng maskara kung sino-sino ang mga ito para kung balak pa ng mga ito na pumasok sa pulitika at tumakbo, ay hindi na ito mabigyan ng pagkakataon na makakuha ng pwesto sa gobyerno.

Kung magpapatuloy ang mga ito sa kanilang mga posisyon ay maraming Pilipino ang pahihirapan ng mga ito, na walang inisip kundi ang para sa kanilang personal interest lamang.

Kung hindi ito sumingaw, malamang sa malamang ay nabiktima na naman ang ordinaryong mga Pilipino ng mga ito.

Hanggang nitong katapusan ng Disyembre 2023 lang ang ibinigay na palugit ng gobyerno para mag-consolidate ng prangkisa ang mga tsuper at operator para makasama sila sa listahan ng mga kukuha ng modernong dyip, kung hindi malamang ay mawalis na sila sa mga lansangan.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

63

Related posts

Leave a Comment