SIM REGISTRATION WA EPEK SA MGA MANDOROBO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KAYO rin ba ay patuloy na nakatatanggap ng mga text na nag-aalok ng kung ano-ano mula sa numerong hindi ninyo kilala?

Dumarami na naman ang reklamo dahil sa kabila ng implementasyon ng gobyerno at telcos sa SIM Card Registration ay nagpapatuloy ang ganitong modus.

Marami pa ring subscriber ang patuloy na nakatatanggap ng scam at spam messages.

Matatandaan na base sa datos ng PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ang online scams ang nangunguna sa top 10 cybercrime cases ng Philippine National Police.

Hindi na nakukuntento ang mga scammer sa text messages. May iba silang taktika – tawagan ang bibiktimahin.

May latest na diskarte ng pambubudol ang mga manloloko. Ginagamit na ang mga courier company. Mag-text na hindi naideliber ang bagahe o parcel kaya hihingan kayo ng mga impormasyon at ng bayad para sa sinasabing re-delivery. Hihikayatin ang pinadalhan na i-click ang link para ma-access ang mga detalye ng package.

Nakaaalarma na ang panloloko at marami pa rin ang nalilinlang.

Dapat nga makatutulong ang SIM registration na protektahan ang konsyumer sa identity theft at hindi awtorisadong paggamit ng kanilang mobile numbers, at siguruhing ang taong gumagamit ng partikular na mobile number ay ang lehitimong may-ari, kaya nababawasan ang mga hindi kanais-nais na aktibidad. Ngunit hindi.

Para sa seguridad at proteksyon ng konsyumer ang SIM Registration Law, ngunit hindi naging solusyon para mawala ang scam at spam message na kahit batid na panloloko ay malaki ring istorbo.

Ayon sa isang telco company, dumami ang spam at scam messages over-the-top media services o chat apps, ngunit hindi raw ito saklaw ng telcos. Ang mga mensahe umano ay hindi dumadaan sa network.

Malamang kasi na ang scams ay mula sa black market ng mga rehistradong SIM na huwad ang pagkakakilanlan.

‘Di ba may mga lehitimo o rehistradong SIM na ibinebenta at malamang na karamihan dito ay ginagamit sa scam.

Sabagay, maganda ang feature ng isang telco dahil ang tawag mula sa unknown number ay naka-tag na spam number.

Gayunpaman, ano ang dapat na solusyon para mawala ang mga panloloko online?

Kasi ba naman, ang iba ay patuloy pa rin na pumapatol sa bitag ng mga scammer kahit ano pang impormasyon ang ikalat na iwasang mahulog sa mga panlilinlang.

Nasa mga telco at mga awtoridad o law enforcement agencies nakaatang ang hamon nang mabawi nila ang paratang na palpak ang SIM Registration Law.

52

Related posts

Leave a Comment