KOMENTO SA SINABI NI ARNOLD CLAVIO SA BOYA SA DAGAT

PUNA ni Joel Amongo

“PASENSYA na sir Joel, hindi ko lang mapigilan na hindi mag-share ng komento,” ‘yan ang pahayag ng ating suking mambabasa na isang eksperto sa pagbabarko.

“Ang mga katulad nitong si Arnold ay hindi dapat nagbibigay ng ganitong klaseng pananaw sa publiko dahil hindi naman niya alam ang buong kalakaran sa dagat,” pahayag pa niya.

Ayon pa sa kanya, ang inilagay ng Philippine Coast Guard (PCG) ay navigational buoys o boya na magsisilbing gabay ng mga barko kung saan sila dapat dadaan.

Binanggit din niya na ang bawat bansa na mayroong regular ship’s routes ay obligadong maglagay ng navigational buoys para sa safe passage ng mga barko.

Ang paglalagay rin ng navigational buoys ay ang pagtupad ng bawat maritime regulatory agencies sa nakasaad sa International Association of Marine Aids and Lighthouse Authorities (IALA).

“Totoo at masakit na malaman ang katotohanan na kulang talaga ng pondo ang PCG upang ipatupad ang ibang dapat nilang gawin para maihanay tayo sa ibang bansa pagdating sa pagsasaayos ng usapin sa karagatan. Hindi sila dapat siraan kung may limitasyon ang kakayahan nila sa ngayon,” dagdag pa ng ating tagasubaybay.

Hindi matatawaran ang karanasan ng ating tagasubaybay pagdating sa pagbabarko dahil bukod sa kanyang matagal na experience sa barko ay nagtapos din siya sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA).

Ang mga nagtapos sa akademyang ito ang pinakamahuhusay na nagbabarko hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Malinaw po ang kanyang komento sa sinabi ni Arnold Clavio, na mali ang sinasabi ng tv host tungkol sa paglalagay ng boya sa karagatan.

Kakahiya naman Arn-Arn, buti naman sana kung walang nanonood sa inyong bihasa sa usapin ng pagbabarko.

Narito ang sinabi ni Arnold Clavio na pinuna ng ating tagasubaybay, “BOUY VS BARKO”.

“Para alam na ang ating teritoryo, nilagyan ng boya, buoy. Sampu. ‘Yun lang ‘ata budget….Biro mo, tayo boya, sila (China) barko!”

Kung iaanalisa natin, ang sinabi ni Clavio ay may kasamang batikos na pinuna ng ating tagasubaybay.

Maaaring magbigay ng kanyang pahayag si Arnold Clavio sa pahinang ito para mailabas natin ang kanyang panig.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

160

Related posts

Leave a Comment