KRISIS SA PAGITAN NG SENADO AT PANGULO

ISANG krisis ang nakaamba sa pagitan ng dalawang sangay ng gobyerno bunsod ng atas ng Pangulo sa kanyang mga Kalihim. Aniya, walang miyembro ng kanyang Gabinete ang pwedeng tumugon sa patawag ng Senado sa mga pagdinig nang wala siyang pahintulot.

Ang Pangulo ay isang abogado. Hindi na rin siya bagito sa gobyerno. Kaya naman malinaw na malawak ang kanyang kaalaman kaugnay ng mandato ng iba’t ibang sangay ng gobyerno.

Ayon mismo sa Article 2, Section 1 ng Saligang Batas, “Ang Pilipinas ay isang demokratiko at republikanong Estado. Nasa mamamayan ang kapangyarihan nito at nagmumula sa kanila ang buong ­pamunuan ng pamahalaan.”

Ang Pilipinas ay isang republikang may tatlong sangay – ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura.

Sa ilalim ng umiiral na sistema, hati-hati ang tatlong sangay sa kapangyarihang atang ng ­Konstitusyon. Nasa kamay ng Kongreso ang paggawa ng mga batas, napasailalim naman sa Ehekutibo ang pagpapatupad ng mga ito, at mandato ng Hudikatura ang pagpapasya sa mga usapin ng legalidad.

Nakasaad sa Saligang Batas ang paghahati ng Kongreso – ang Senado at ang Kamara de Representante. Kapwa may pahintulot ang Senado at Kamara na gumawa ng mga batas, mag-amyenda, at magpasawalang-bisa ng mga ito gamit ang kapangyarihang ibinigay sa Kongreso ng Pilipinas. Bahagi rin ng kapangyarihan ng Kongreso ang magsagawa ng mga pagsisiyasat at pagdinig na maaaring gamitin bilang batayan sa paggawa o pag-amyenda ng batas.

Sa ilalim naman ng Ehekutibong sangay ay ang Pangulo at Pangalawang Pangulo na kapwa inihalal para sa isang termino lamang na tatagal ng anim na taon. May karapatan ang Pangulong pumili at mag­talaga ng kanyang Gabineteng bubuo sa mga kagawarang bahagi ng burukrasya.

Isa pang sangay ng gobyerno ay ang Hudikaturang binubuo ng Korte Suprema at mga husgadong nasa ilalim nito. Mandato nitong litisin at lutasin ang mga sigalot sa pagpapatupad ng mga karapatang nakasaad sa batas. Hinahatulan din ng sangay na ito ang mga napatunayang nagkasala sa batas ng tao.

Maging ang taong gobyerno, ang mga mismong mahistrado at huwes pwedeng maharap sa asunto at posibilidad ng hatol kaugnay ng matinding pang-aabuso sa pagpapasya. Sa madaling salita, wala itong sinasanto. ‘Yan marahil ang paliwanag kung bakit ang babaeng rebulto sa mga bulwagan ng katarungan may piring habang tinitimbang ang katotohanan at katuwiran.

Bukod sa mga pangkaraniwang asuntong isinasampa sa mga husgado, pasok din sa kapangyarihan ng Hudikatura ang pagpapasya sa mga isyung paglabag sa konstitusyon, kasunduan, batas, atas ng ­pangulo, proklamasyon, kautusan, tuntunin, ordinansa o regulasyon.
Muli, ang Pangulo ay isang abogado at hindi bagito sa gobyerno.

69

Related posts

Leave a Comment