KUDETA NA NAMAN?

PUNA Ni JOEL AMONGO

KAPUNA-PUNA sa ating pag-iikot ang mainit na usap-usapan ngayon sa iba’t ibang sulok ng National Capital Region (NCR), ang lumabas na isyu sa kudeta.

Pangunahing iniugnay sa isyu ng kudeta ay ang pagpapalit ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula kay Gen. Andres Centino ­patungo kay Lt. General Bartolome ­Bacarro.

Si Gen. Bacarro bilang chief of staff ng AFP ay inalis sa pwesto, muling ibinalik at ipinalit si Gen. Centino.

Si Bacarro ay ipinanganak noong Setyembre 18, 1966, ang kanyang edad ay 56 na kaya mandatory retirement niya nitong Setyembre 18, 2022.

Samantala si Gen. Centino ay ipinanganak noong Pebrero 4, 1966 na nanungkulan bilang chief of staff ng AFP, ang ­kanyang edad ay 56 na sa darating na ­Pebrero 4, 2023.

Sa Pebrero 4, 2023 ay mandatory retirement na rin ni Gen. Centino kaya uupo siyang chief of staff ng dalawang linggo mahigit na lang.

Ang naging palaisipan ng marami, tinanggal si Gen. ­Centino bilang chief of staff ng AFP kahit wala pa siya sa 56 years old ­mandatory retirement, tapos ngayon, muli siyang ibinalik?

‘Wag naman daw pulitikahin ang militar at pulisya, ayon pa sa mga nakausap ng PUNA.

Pinalala pa ang isyu ng ­kudeta dahil sa panawagan o apela ni Department of the ­Interior and Local Government (DILG) ­Secretary Benhur Abalos na courtesy resignation sa full coronels at generals sa ­Philippine National Police (PNP).

Ayon sa nakausap ng PUNA na dating piloto ng militar, dismayado siya sa ginawang apela o panawagan ni Abalos na courtesy resignation sa full coronels at generals.

Sinabi pa niyang nadamay ang buong hanay ng PNP sa apela o panawagan ni Abalos na courtesy resignation.

Maaari naman daw direktang kasuhan na lang nila ni Sec. Abalos ang kanilang sinasabing PNP ­officials na nasasangkot sa illegal na droga sa bansa.

Ang tinutukoy ng ating ­nakausap na dating piloto, ay ang isinagawang press conference kamakailan ni Abalos na umapela at nanawagan ng courtesy resignation ng full coronels at generals sa PNP.

Ito ay sagot ng gobyerno sa nakaraang buy-bust operations ng PNP noong Oct. 8, 2022 na pagkakahuli kay Master Sergeant Rodolfo Mayo at pagkakumpiska ng 990 kilograms ng shabu na may halagang P6.7 billion.

Ikinanta ni Mayo kung saan siya kumukuha ng shabu at ang ilang police coronel at general na nasa likod ng kanilang ilegal na operasyon.

Ayon kay Abalos, layunin ng gobyerno sa kanyang apela na courtesy resignation ng full coronels at generals, ay para linisin ang PNP sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Sinabayan pa ang mga dismayadong mamamayan sa sobrang taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Wala raw aksyon ang ­gobyerno sa sobrang mataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na nagpapahirap lalo sa mga Pilipino.

Ang mga problemang ito ay sinasamantala naman ngayon ng mga mapagsamantalang tao para agawin ang pamunuan mula kay PBBM. ‘Wag naman, isaalang-alang natin ang kapakanan ng buong sambayanan dahil ‘pag nangyaring matuloy ang kudeta ay lalo pang malulugmok ang ekonomiya ng bansa at pangunahing apektado ay ang mahihirap na pamilya.

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

18

Related posts

Leave a Comment