NAWALA na ang pag-aalinlangan ng mga tao sa bakuna kung ang pila sa mga vaccination center ang pagbabasehan na kahit nakalusong sila sa baha ay hindi sila umaalis sa pila.
Hindi lang sa Metro Manila mahaba ang pila sa vaccination centers, kundi sa mga probinsya, pero hindi lang naiuulat sa media dahil malayo sila sa kabihasnan at hindi sila natututukan.
Indikasyon ito na payag na ang mga tao na mabakunahan dahil lumalala ang kanilang anxiety sa COVID – 19 na nagsimula sa Wuhan, China at kumalat sa buong mundo dahil itinago ang katotohanan sa pandemyang ito.
Hindi tulad noong nakaraang taon, mahigit 30 porsyento sa mga Filipino ang ayaw magpabakuna at ganito rin karami ang nag-aalinlangan kung magbabakuna ba, o hindi, dahil sa dami ng naririnig nilang negatibong epekto ng COVID – 19 vaccines.
Kaya nga nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapaaresto niya ang mga Filipino na ayaw magpabakuna, pero ngayon ay halos lahat na ng mga Filipino ay handa nang magpaturok.
Ang problema naman ngayon, kulang na kulang ang dumarating na bakuna sa ating bansa at marami pa ang mula sa donasyon mula sa ibang bansa at sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).
Ipapaaresto rin kaya ng mahal na pangulo ang mga responsableng tao na sa pagbili ng mga bakuna dahil ang mga inorder nila ay pautay-utay ang pagdating, kaya nabibitin ang mga tao?
Naglaan ang gobyerno ng P82.5 bilyon para ipambili ng bakuna at P70 bilyon dito ay inutang ng gobyerno at sa pagkakaalam ko, naiproseso na ang mga utang na ito at malamang ay nabayaran na ang mga biniling bakuna.
Pero, bakit pautay-utay ang pagdating ng bakunang binili ng gobyerno?
Ano ba ang nakalagay sa kontratang pinirmahan ng gobyerno sa pharmaceutical companies na nag-susupply ng COVID-19 vaccines?
Pumayag ba ang gobyerno na pautay-utay ang delivery ng bakuna, kaya hindi bultuhan ang delivery, o hindi nakasunod ang mga binilhan, ng bakuna sa kontrata at nagkakaroon ng breach of contract?
Sa ibang bansa tulad ng Argentina, nagreklamo sila dahil nagkakaroon ng breach of contract, o hindi nakasunod, ang mga pharmaceutical company sa pinirmahang kontrata.
Nangyayari ba ito sa atin, kaya imbes na bultuhan ang pagdating ng bakuna ay pautay-utay ang delivery at mas marami pa ang donasyon na dumarating kaysa sa binili mismo ng ating gobyerno?
Siyanga pala, mas marami na ang naidonate na bakuna ng Amerika kaysa sa China, pero kung purihin natin ang bansang ito dahil sa isang milyong dosis ng Sinovac na ibinigay sa atin nang libre ay parang sila ang hero natin!
Kung nagkaroon ng breach of contract, anong proteksyon naman sa atin ang nakalagay sa kontrata, kung mayroon man?
Inilalaban ba ng mga opisyal ang ating karapatan, o at the mercy lang tayo, ng mga COVID – 19 suppliers?
Lagi nilang sinasabi na kailangang makamit agad ang herd immunity, pero kung hinahayaan natin na pautay-utay ang delivery ng mga biniling bakuna, talagang matagal pa tayong makawala sa pandemyang nagsimula sa China.
Sa bagal ng pagdating ng mga bakuna, ayaw kong isipin na bubuhos ito pagdating ng Pebrero 2022 kasabay ng pagsisimula ng kampanya at magamit ito para sa mga kandidato ng administrasyon!
