KULANG SA SUPORTA MAGSASAKA KAYA KAPOS SA PAGKAIN ANG PINOY

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

INIKOT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t ibang lugar sa bansa kamakailan para tumulong sa pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo ng repormang pansakahan.

Libo-libong ektaryang lupa ang naipamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka mula sa South Cotabato, Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat, Dumaguete, Tacloban, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay.

Tiniyak ng Pangulo na makokumpleto ng pamahalaan ang pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa lahat ng kwalipikadong benepisaryo ng repormang panglupain sa buong bansa bago matapos ang kanyang termino.

Ayan, namimigay na ng lupa, nag-iikot pa sa mga probinsiya. Hindi kaya sabay na rin nito ang pagpapabango para sa midterm elections sa susunod na taon?

Ang pag-iikot daw niya sa mga lalawigan ay para personal na malaman mula sa mga tao ang mga problema ng komunidad.

Magandang layunin iyan kung pagkatapos malaman ang problema ay may solusyon ding ilalatag. Ang masaklap kasi minsan ay pakitang-tao ang pagkilos at pagkaraan ay wala rin namang nababago. Walang solusyon ika nga.

Sabagay, hilig naman niyang bumiyahe sa labas ng bansa kaya kailangan niyang puntahan ang mga lupang sakop ng bansa. Pero, ang malinaw, hindi niya sinusuyod ang mga liblib at halos humahalik na sa langit na mga bayan, barangay, sitio at purok.

Tiniyak din ng Pangulo sa publiko na tutulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka na lumaki ang kita.

Pero, ano itong panawagan ng Pangulo na tumulong ang mga magsasaka sa gobyerno para magkaroon ng mura at dekalidad na pagkain ang mamamayang Pilipino.

Tila, hindi ito panawagan o panghihikayat, kundi kondisyon dahil nabigyan nga naman ng lupa ang mga magsasaka kaya kailangang may palit-biyayang mapipiga sa kanila.

Aba, baliktad ata. Ang kailangang tulungan ay mga magsasaka. Hindi ‘yung sila ang tutulong para maging mura at de-kalidad ang mga pagkain.

Iaasa na naman sa mga pobreng magsasaka ang dapat ay trabaho ng gobyerno na magbigay ng mura at dekalidad na pagkain sa mamamayan.

Suporta ng gobyerno ang kailangan ng mga farmer. Hindi nagtatapos ang suporta sa ipinamimigay na lupa.

Paano ibababa ng mga farmer ang presyo ng kanilang ani kung lagpas-leeg ang production cost?

Gusto rin lang ng Pangulo na lumaki kita ng mga nagbubungkal ng lupa, aba kailangang magpatayo siya ng mga warehouse, imbakan ng pagkain at produkto at mga kiskisan.

Sa sobrang mahal nga ng abono, pesticide, bayad sa mga nagtatanim, nagbubunot ng mga damo ay hindi na masiguro kung may kikitain pa ang nagsasaka.

Tapos, kakumpetensiya pa ang mga nag-aangkat ng mga produktong pagkain.

Hihikayatin ang mga magsasaka na tumulong mapababa ang presyo at may kalidad ang pagkain, pero ang mga opisyal ng pamahalaan ay bumabaling sa pag-aangkat.

Sabi nga, hindi pagkakawanggawa ang pagsasaka.

37

Related posts

Leave a Comment